HarleyQueen

Equality for All

Ang Unang Baboy sa Hades March 25, 2012

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 1:32 pm
Tags:

Ang Unang Baboy sa Hades
ni Harold C. de Mesa

Gusto ny’o bang malaman kung bakit masarap ang lechong Cebu? Tikman ang tulang ito at tuklasin ang mga sikreto at sangkap ng pinaka-sikat na baboy sa buong Asya. Mga Kababayan, Ipinakikila, ang Inasal ng Sugbo!

Part 1:
Ang Reyna ng Koral

Rosas ang kanyang mga pisngi
Ngunit plastik kung ngumisi
Katawa’y ‘sinlaki ng banyera
Daig pa ang boxer na si Barrera

Sin’ lapad ng bewang ang dibdib
tila refrigerator kung nakatalikod
sa sarili ay sobrang laki ang bilib
mataas pa ang ere sa tuktuk ng bantayan

“Ako ang reyna ng koral!
Ang pugad na ipinagkatangi-tangi
Para sa tulad ko’ng sosyal na baboy,
ang utos ko ay sundin ngayon din.”

Singhal, ismid sabay pamewang.
“Walang hahara-hara kapag nariyan ako,
Ako ang siga ng Pugad Baboy
Batas ko ay sundin n’yo!”

Ngasab ngasab ngasab
“Hoink, Poink, Boink!”
Pilik mata’t ititikawas
Kulot na buntot ay ipapagaspas

Nariyan na siya,
Magbigay pugay
Iladlad ang pulang karpet
Daraan na ang reyna ng koral.

Haay ‘di ko masikmura
Kanyang pagmumukha
Haay ‘di ko na matagalan
Kanyang kahambugan.

Binabalot na ng taba
Ang utak na balubad
Tila isang hubad na talaba
Sa gitna ng maasim na krema

Ngasab ngasab ngasab
“Hoink, Poink, Boink!”
Tila di nabubusog
Ang bakaw na inahin

Kahit sariling anak ay tatadyakan
Kapag siya’y naistorbo sa paglamon
Kahit kapatid ay kakagatin
Kapag sa kanyang pagtulog siya ay nabulabog

Walang patumangga kung dumusta
Walang puso kung manlibak
“Ako ang reyna ng koral,
Walang ibang magaling kung di ako lang.”

Haay ‘di na maawat-awat
Bilugang kataway palapad ng palapad
Haay’di na masukat-sukat
Bilugang kataway palapad ng palapad

Sa t’wing bibisita si Aleng Doray
Sa muog ng pugad baboy
Bigla, ang reyna ng koral
ay magpapakitang gilas.

Ngingiti ng sintamis ng sikwati
Pilik mata’t ititikwas
Kulot na buntot ay ipapagaspas
“Hoink, Poink, Boink!”

Singhot, kusot, Singhot
“Haay, di ba’t palapad na ng palapad
Ang baboy kong alaga
Haay, ‘di ba’t palapad na ng palapad.”

Singhot, kusot, Singhot
Nalalapit na ang araw
Na ika’y paparangalan
Itatanghal at pagkakagulahan ng lahat.

Singhal, ismid sabay pamewang.
“narinig n’yo?
“Hoink, Poink, Boink!
Ako’y itatanghal at pagkakaguluhan ng lahat!”

Part 2:
Ang Konseho ng Puting Palasyo

Isang umaga, ang reyna ng koral
Ay nakatanggap ng espesyal na balita
“Eto na ang araw na ika’y paparangalan,
Ipinasusundo ka ni Aling Doray.”

Ang kanyang tatlong biik na alagad
ay bumuo ng koro
umawit ng himnong wala sa tono
at nagbigay pugay sa reyna ng koral.

Iniladlad ang pulang karpet
Singhal, ismid sabay pamewang.
Mata’y ipinikit, noo’y itinaas
Sabay tugtog ng opisyal na marcha

Sabay-sabay na umawit ang pugad-babuy
“kutsara, tinidor
Hawak ng mga baboy,
Lulusubin ang kanin- baboy.”

“Dumating na ang oras kong pinakahihintay,
Tunay na ako ang reyna ng koral.
Mababang uring tulad n’yo
ay mananatili sa farm na ‘to.”

Isinakay ang reyna sa espesyal na karosa
Halos lumawit ang dila
ng dalawang lalaking nag-alsa sa kanya
Nanatiling naka-ismid at taas ang noo.

“Haay di ko na lilingunin
ang mabahong Doray’s Farm
Mga pata ko’y ‘di na muling tatapak
Sa kanyang mapuputik na sahig.”

Isang malaking palasyo
Ang pinagdalahan sa reyna
“Hoink, Poink, Boink!
Namangha ang reyna sa kanyang nakita

“Kay gara at kay laki,
kay puti at kay kinang ng mga tiles,
Napakalinis ng lugar na ‘ito,
dito ako nababagay.”

Nagpalakpakan ang mga hayup
na naroon sa puting palasyo
mainit na pagtanggap
ang isinalubong sa kanya

Argggg, Drrrrr, Argggg!
“Ang alay ko sayo ay tanglad
Pagmamayabang ng Osong busog
Na nakababad sa niyebeng durog

Jooottttt, Zooottttt wooottttt!
Ang alay ko sayo’y matulis na kawayan
Hagikgik ng hikaing lemur
Na nakabitin sa pulpitong sakdalan

Huuummm-huuummmm-huuummmmm!
Ang alay ko sayo’y mansanas na pula
Halinghing ng kabayong duling
Habang nagpapapadyak sa makasaysayang kuwadra

“bwihihihihi! bwahahahaha! bwuhuhuhu!”
Hagalpak ng Kampanerang Kuba
“Ang alay ko sayo’y malapot na sarsa!
Kulo-kulo, kawan kong umuusok!”

“bwihihihihi! bwahahahaha! bwuhuhuhu!
Sarsa parilla na may kondensada,
tenga ng daga, tinga ng buaya,
atay ng bubuli at apdu ng palaka!”

Singhot, kusot, Singhot
“Kumpletos rekados na.
Singhot, kusot, Singhot
“Ang alaga ko ay ihahanda na!”

Gigil na pinisil ni Aling Doray
Ang mabibilog at kulay rosas
na pisngi ng matambok na alaga
Sabay singhot, kusot, Singhot.

“Ayos na ba ang kumukulong tubig?
Simulan na ang pagpapabaga sa uling.
Ihanda na ang mahabang mesa na pag-aalayan
Ng alaga kong itatanghal ng lahat.”

“Hoink, Poink, Boink?”
Ihahanda? Kumukulong tubig?
Nagbabagang uling? Mahabang mesa?
“Hiiiiiiik, piiiiiiiik, biiiiiiikkkkkkkkkk!

Hihiyaw pa sana ang reyna ng koral
Ngunit sa isang iglap
Isang tusok sa batok
Ang nag-paidlip sa kanya

Pinaliguan at binalahibuhan
Gamit ang kumukulong tubig
Isinubo sa bibig hanggang puwit
Ang matulis na kawayan

Sa nagbabagang uling
Unti-unti siyang dinarang
Mapusyaw na kutis
Unti-unting lumutong at natutong.

Singhot, kusot, Singhot
“Ipinakikila, ang babuy na may masamang asal,
ang pinakamasarap na inasal sa Sugbo!”
Singhot, kusot, Singhot.

Sa gitna ng mahabang mesa
Nakadapa ang reyna
Subo-subo ang mansanas
Amoy ang halimukyak ng tanglad

Kurot, pisil, at gigil
Langhap, kagat at lasap,
Tad-tad, pingot at himod
Lantak at sibak.

Lahat ay nagpiyesta!
Ilang saglit pa’y
Mantika nalang sa mesa ang nabilin
Sa itinanghal na Unang Babuy sa Hades

Advertisements
 

Laruan ng mga Pulubi

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 1:29 pm
Tags:

Laruan ng mga Pulubi ni Harold C. de Mesa

Bahay-bahayan
Sa tabi ng estero,
kung saan kami nakatira.

Baril-barilan
Sa ibabaw ng sementeryo,
doon kami masayang naglilibang.

Karera ng kotse-kotsehan
gawa sa lata at tsinelas
sa gilid ng highway.

Bangkang-papel
na inanod ng tubig baha
sa pusali’ng puno ng basura.

 

Rugby at Sampaguita

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 1:27 pm
Tags:

Rugby at Sampaguita ni Harold C. de Mesa

Isang bata ang kumatok
Sa bintang salamin
ng magarang sasakyan.

Nanlilimahid,
Gula-gulanit ang damit,
Puro amol ang mukha.

Dedma ang sakay na sosyal
sa batang ‘sing payat ng sarangola
at ‘sing dusing ng asong gala.

“Mga batang yagit,
Rugby boy o Sampaguita girl,
namimihasa sa limos at awa.

Tsupi, batang galisin!
Magasgasan ang maganda kung sasakyan,
alis at baka ikaw pa’y masagasaan.”

Patintero sa gitna ng kalsada
Moro-moro sa magkabilang kanto
Taguan sa makikipot na eskinita.

‘yan ang kanilang laro,
mula araw hanggang hating-gabi,
ang paghahanap ng maipapalaman sa tiyan.

 

Tutubing Karayom at Tutubing Kalabaw

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 1:25 pm
Tags:

Tutubing Karayom at Tutubing Kalabaw ni Harold c. de Mesa

Dragonflies live for a very little time. They are very weak and fragile, and even though they’re tiny they could be pretty noticeable by their predators.

Kokak! Kokak! Kokak!
Tumila na ang ulan,
nakabibingi at nakatutulig
ang ingay ng mga palaka ngayong gabi
ngunit ‘di kayang talunin ng kokak
ang tindi ng aking antok.

Haaayyy, antok na talaga ako!
Hikab, hikab, hikab
Maya-maya pa’y…
Zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz!
Hilik, hilik, hilik
sa maikling kumot, tuhod ko’y namaluktot.

“Awwwhhhhhhh!”
Kay sarap ng aking gising,
sa balat ko’y dumadampi
ang banayad na sikat ng araw,
tapos na ang tag-ulan,
simula na ng tag-araw.

“Kay sarap maglaro
ng luksong tinik o luksong baka
sa labas ng bahay!”
Niyaya ko kaagad ang aking mga kapatid
na sina Caloy, Leleng at Bebang.
“Tara, laro na tayo!”

Basa pa ang damo sa hamog,
kaybango ng daisy at gerbera
sa hardin ng aking lola
at kay bango din ng almusal
na niluluto ni inay
“Hmmmmmmmmmmm!”

‘Di pa kami nakapagsisimulang maglaro
nang laking mangha ko sa aking nakita
sa tomana ng aking lolo at lola
“Wow! Tutubi, tutubi, tutubi!
kay sarap manghuli ng tutubi!”
Yaya ko sa aking mga kapatid.

Kanya-kanyang puwesto,
Iba’t ibang estilo sa paghuli ng tutubi
“tutubi, tutubi, wag kang magpahuli,
Sa batang mapanghi.”
Pakantang pangaasar
ni lolo habang siya’y nagmamatyag.

Namangha ako sa iba’t ibang kulay
at laki ng mga tutubi
Me-blue, me-yellow at me-green,
Meron ding violet at red
lahat sila ay malalaki,
Tutubing kalabaw ang tawag dito.

Pero sa lahat ng tutubi
Sa isa lamang ako
Nahumaling,
Sinundan ko siya lampas pa sa aming bakuran
papunta sa latian,
Isang tila karayom na lumilipad.

Kay ganda nitong pagmasdan,
Kay gara ng paglipad,
mga pakpak ay nagpapalit-palit
ng kulay sa bilis ng pagaspas,
dumapo siya sa isang tangkay
sa gilid ng latian.

Sinubukan kong abutin
upang siya ay hulihin
ngunit Kay bilis niyang nakalipad
at nagpadapo-dapo
Sa ibabaw ng tubig
at mga ligaw na bulaklak.

Di ko man siya nahuli,
inaliw ko naman ang aking sarili
sa pagmamasid ,
hanggang sa payapa siyang
humimlay sa ibabaw ng lotus
sa gitna ng latian.

Laking gulat ko
nang isang mahabang dila
ng matabang palaka
ang lumunok ng buo
sa pinagmamasdan kong
tutubing karayom.

“Lod, Caloy, Leleng, Bebang!
ang tawag ni Inay
“Tama na ‘yang panghuhuli ng tutubi,
luto na ang almusal, kakain na!”
Dali-dali akong pumasok ng bakuran
at niyaya ang aking mga kapatid sa komedor.

“Hep, hep, hep!
ang awat ni Inay
bago pa kami maka-upo sa mesa
“bago mag-almusal,
pakawalan n’yo muna
ang mga nahuli n’yong tutubi.”

“Alam nyo ba na maikli lamang ang buhay ng mga tutubi?
Ang kanilang katawan ay likas na mahina at marupok,
at dahil sa maliliit sila, kay dali nilang hulihin at kaiinin
ng mga palaka at iba pang hayop.”
Totoo ang sinabi ni Inay,
inalmusal na ng mga palaka ang iba sa kanila.

Sabay-sabay naming pinakawalan
mula sa lalagyang garapon
ang mga munting tutubi,
kaysarap nilang pagmasdan
Palipad-lipad,
padapo-dapo.

Pagkatapos maghinaw ng kamay
Sabay-sabay na kaming
Nag-almusal sa iisang hapag,
Kasama sina inay at itay
Sina lolo at lola
at ang aking mga kapatid.

Dalawampung taon na’ng nakaraan,
madalas naalala ko parin ang aking tutubing karayom
bihira ko nang makasabay ang aking pamilya sa almusal,
pero sa pagsapit ng gabi,
naririnig ko parin ang kokak ng salbaheng palaka
na lumunok sa aking tutubing karayom.

 

Si Onyot at ang mga Damtrak

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 1:22 pm
Tags:

Si Onyot at ang mga Damtrak
ni Harold C. de Mesa

Pak, pak, pak!
tipak-tipak na bato
mula sa higanteng bundok,
pilit na tinitistis, pilit pinaparami.

Halos magkanda-kuba
ang batang walang panyapak,
isang sakong graba
kapalit ng ‘sang kilong bigas.

Pag-kwa-kwari ang tawag dito,
eto ang kinamulatan ni Onyot,
(Isang batang walong-taong gulang)
pantawid ng gutom ng buong pamilya.

“Sa pagsikat ng umaga
Sabay sa kalam ng sikmura,
Sa ilalim ng init nang tanghali
Sabay sa uhaw na di mapawi.

hanggang mag dapithapon,
doon sa paanan ng bundok
tulong-tulong kami nila nanay at tatay,
pati na sina kuya, ate at lola”

Sa paanan ng bundok,
doon sila nakatira
sa munting barong-barong
sa gitna ng mga maiingay na damtrak.

Pak, pak, pak!
tipak-tipak na bato
mula sa higanteng bundok,
di alintana ang init, di pansin ang panganib.

“Sabay-sabay naming tinitibag
bundok na dati’y hitik sa puno
at mga ibong kay titinis ng huni,
‘yan ang kwento ng aking lola.

Ngayo’y kalbo na’t tapyas-tapyas
ang dating luntiang bundok,
sa paghampas ng hangin, alikabok ang dala
sa pagbuhos ng ulan , putik ay naglalawa.”

Ang maiingay na damtrak
walang tigil sa paghakot
sa tone-toneladang bato,
sa araw ang garahe, sa gabi ang biyahe.

“Sabi ng aking ‘itay
ang mga bato raw na ito
ay malaki ang pakinabang
Sa pag-papaunlad ng ating bayan.

Ang mga tipak-tipak na bato daw
ang ginagawang pundasyon
ng mga kalsada, tulay,
at mga matataas na gusali sa lungsod.”

Isang gabi,
sa pagod at gutom,
si Onyot ay napaidlip ng mahimbing
at sa kanyang panaginip ay laking gulat niya…

kay lakas ng ulan at hangin,
halos magiba ang kanilang barong-barong,
sa isang iglap bahay nila’y natabunan
ng putik na rumagasa mula sa bundok.

Laking takot ni Onyot,
Sigaw siya ng sigaw:
“Tulong, tulong, tulong!”
ngunit walang nakakarinig sa kanya.

Di niya makita ang kanyang
Ina, ama, ate, kuya at lola,
ulo lamang niya ang nakalitaw
sa malalim na putik.

Mula sa labas nakita niya ang mga damtrak,
unti-unti, naging robot ang mga ito
na gaya ng sa Transformers
“Tulong, tulong, tulong!”

Tila narinig siya ng isang dilaw na robot
at sa siya ay mabilis na nilapitan,
inangat ang bubungang nayupi
at inalis ang nakatabing na mesa kay Onyot.

Hinugot mula sa putik
ng higante at dilaw na robot
ang batang ‘sing liit lamang ng daliri
inilipat siya nito sa mas ligtas na lugar.

“Robot na damtrak, hanapin mo sila!
Hanapin mo ang aking pamilya!”
Pakiusap ni Onyot sa robot,
ngunit walang imik itong tumabi sa kanya.

“Ng dahil sa mga tipak-tipak na bato
wala na ang aking itay at inay,
wala na sina kuya at ate,
wala narin ang mga kwento ni lola.”

“Gising Onyot, Gising!
Malakas ang ulan dahil sa paparating na bagyo,
delikado tayo dito sa paanan ng bundok,
kailangan na nating lumikas ngayon din.”

“Itay, ipangako nyo po akin,
‘di na tayo babalik dito
upang magtipak ng bato
at sirain ang bundok.”

Nakita ng ama ang takot sa mukha ni anak,
Habang tumutulo ang luha at nanginginig,
“Oo, Anak, pangako.”
sabay yakap ng mahigpit kay Onyot.

-the end-

 

Real One (stage play script)

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 12:02 pm
Tags:

Real One
Isang dulang may isang yugto

ni Harold C. de Mesa

Mga Tauhan:

Verna Alfon 17, kolehiyala.
Hubert Villaflor 19, lider ng grupo’ng F4.
Alvin Alcantara 18, kalog sa tropa.
Migs de Asis 18, may pagkaseryoso.
Alfred Eusebio 19, hangin ang dating.
General Alfon 55, ama ni Verna.

Ang Entablado.

Billiard Hall sa isang rooftop. Imaginary lang ang billiard table pero totoong tako ang gamit ng mga naglalaro nito.

Limbo ang backdrop, ilaw ang nagdidikta kung kasalukuyan o flashback ang bawat eksena.

Cinematic ang approach sa pagpapalit ng bawat scenario. Fade to black pagkatapos ng isang scenario. Pagbukas ng ilaw ay iba na namang scenario ang matutunghayan. Maiikli ang bawat eksena at mabilis ang transition nito. Aakalain mong pelikula ang ‘yong pinapanood sa isang entablado.

Scene 1.
Sa rooftop. Gabi.

Migs
Pare, ikaw na.

Lalagok muna ng alak si Alfred bago tumira.

Alfred
Ako na ba?

Migs
Oo, bad shot e.

Alfred
Pucha! Na naman!? Kinakalawang ka na yata Migs?

Migs
Pare, di ako makapagseryoso sa laro natin. Iniisip ko pa rin ang nangyari kay Alvin?

Alfred
‘Tang ina! Puwede ba kalimutan mo na yon! Pati tuloy ako nahahawa na sa pag-urong ng bayag mo. Aksidente ang nangyari, napag-tripan lang siya. Walang kinalaman yon sa ginawa natin.

Migs
Kung aksidente yon bakit hindi tayo pumapasok sa University? Bakit nagtatago tayo?

Alfred
Dahil umiiwas tayo sa gulo. Mahirap na, instant celebrity tayo ngayon. Baka pag nakita tayo ng mga kumag nating klasmeyts e dumugin tayo ng mga ‘yon para magpa-autograph.

Migs
Nakukuha mo pang magbiro. Pare, this is not a joke anymore. Kahit sa amin hindi ako maka-uwi. Feeling ko wanted ako. Feeling ko may nakapatong sa ulo ko.

Alfred
Sige na ikaw na… pag di ka pa tumigil d’yan talagang papatungan kita ng kamatis sa ulo. Sinasayang mo ang laro natin e. aba, one hundred per hour ang binabayaran natin dito.

Migs
Binura mo na ba yung kopya mo sa cell phone?

Alfred
Bakit ko buburahin?

Migs
Pare, baka pag natiklo tayo magamit pang ebidensya yan. Alalahanin mo, recorded yan sa cell phone mo hindi yan forwarded.

Alfred
Kahit naman hindi ko burahin, makikilala pa rin ako. May live appearance ako don. Gago ka kasi! sabi ko sayo yung etits ko lang ang kunan mo wag pati mukha ko.

Migs
Sukat ba namang mag down under ka sa Australia ni Verna. Siyempre andon ang mainit na eksena kaya kinunan ko.

Alfred
Chief, paki set nga. Eight balls naman. Bano ‘tong kalaro ko ngayon e. pa order narin ng dalawang Strong Ice.

Migs
Pare, last ko na ‘to, may amats na ‘ko.

Alfred
Ano ka ba? Pangatlo mo palang yan. Sige chief, dalawa pa.

Darating ang dalawang bote ng Strong Ice na inorder nila.

Alfred
O, pare, bottoms up tayo.

Sabay nila itong lalagukin hanggang sa kahulihulihang patak.

SFX: Whapak!

Magdidilim.

Scene 2.
Sa rooftop parin. Gabi.

Flashback. Change light, malikot ang ilaw sabay sa maingay na musika ng bandang SYSTEM OF A DOWN.

Alvin
Pare tira na! Tama na yang kahihiram n’yo ng tapang sa alak at dubi.

Alfred
Kaya pa ba niya?

Hubert
Pare sa lakas ng tama ng dubi na pinatira ko kay Verna kahit sampu pa tayo, di susuko yon.

Tawanan

Alvin
Next ka na Alfred?

Hubert
Sabay na kayo ni Migs pare!
Migs
Ha! Dyahe. last na ako, si Alfred muna.

Alvin
Sabay na kayo, para matapos na… Pagputok ng araw bawal ng magpaputok kaya bilis-bilisan n’yo na ang pagkilos… Ang kukupad n’yo e.

Hubert
Sige na, nagkakahiyaan pa kayo e parehas lang naman ‘ata kayo ng size ng etits.

Alfred
Tara Migs.

Lalapitan nila Alfred at Migs ang babae na naka-upo sa bin bag sa kaliwang bahagi ng stage. May Puting kurtina na nakatabing dito kaya silhouette lang ito.

Alfred
Verna, beer pa. O, Ba’t ka umiiyak?

Verna
Where is Hubert? He never told me na aabutin tayo ng umaga dito. My papa is looking for me right now. Please tell him to take me home.

Migs
Pare, nagpapauwi na pala e. Ihatid na natin.

Alfred
Akong bahala dito. Hawakan mo ‘tong cellphone ko at i-record mo kung ano man ang masasaksihan mo.

Alfred
May binili lang si Hubert sandali. Babalik agad yon tapos ihahatid ka na. Okey ka lang ba? Gusto mo ba ng masahe?

Verna
I feel dizzy!

Alfred
Don’t worry ako bahala sa ‘yo. I will take care of you while Hubert is gone.

Sisimulang halikan sa batok ni Alfred si Verna, habang gumagapang ang mga kamay nito sa dibdib ng dalaga. Madali namang madadala si Verna sa sensasyon na idinudulot ni Alfred sa kanya. Sesenyas si Alfred kay Alvin na kunan siya nito ng video habang nakikipagniig kay Verna. Silhouette lang ang eksenang ito. Nasa direktor kung paano hindi magiging malaswa ang dula.

Alvin
Pare, ano okey lang ba kayo d’yan? Sabayan mo na si Alfred. Okey lang yon kay Verna. Kanina nga sabay kami ni Hubert payag siya e. Go! Ako na ang magrerecord nito.

Migs
Ha? Nakakahiya e. tsaka kawawa naman yung babae.

Hubert
Eto naman o, may nalalaman ka pang ganon! Sige na, pasubo ka habang tinitira ni Alfred sa likuran.

Ipagtutulakan si Migs papalapit kay Alfred at Verna.

Alvin
Sige na, ibaba mo na ang pantalon mo, pasubo muna.

Hubert
Ayos! Kayang kaya mo pala Migs e.

SFX: Isang malakas na tira ng bilyar.

Magdidilim

Scene 3.
Billiard hall parin. Gabi.

Alfred
Ayos! Sargo! Kayang kaya mo pala Migs. Four balls pasok sa isang tira. Galing mo pre, ‘kaw na panalo!

Migs
Bakit ba ‘di agad sinabi ni Hubert na military general ang erpat ni Verna?

Alfred
Hindi niya rin alam no’ng una. Tsaka ano ba’ng paki alam ni Hubert kung general ang erpat ni Verna e general din naman ang erpat niya. ‘kala ko naman kasi tulad lang si Verna ng ibang babaeng nagkakandarapa kay Hubert.

Migs
Wala namang babaeng sineseryoso si Hubert. Para sa kanya laruaan lang ang lahat ng babae. Lalo na yung mga handang-handang magpakama sa kanya.

Alfred
At hindi siya pumapayag na di dadaan sa ating apat ang ang isang babae. Kaya nga tayo binansagang F4. Hindi naman tayo nakakasuhan ng rape ever since dahil hindi naman natin dinadaan sa pwersahan o pamimilit. Kung ayaw ng girl sumama sa atin okey lang, bad shot sa atin ang mga pakipot na bebot.

Migs
Pero iba nga si Verna. Naging sila ni Hubert. Sumama siya sa atin ng gabing ‘yon dahil akala niya birthday gimik lang ni Hubert? Wala siyang alam sa trip natin. Wala na siya sa sarili niya kaya siya pumayag na mangyari yon.

Alfred
Ikaw narin ang nagsabi kanina na walang sineseryosong babae si Hubert. Ginusto ni Verna ang nangyari. At isa pa alam ng marami sa campus ang reputasyon ni Hubert at ng F4. Alam lahat ng buong campus na we are the fucker four.

Fade in Music: Meteor Garden OST

magdidilim

Scene 4.
Sa corridor ng university. Araw.

Flashback. Sa corridor ng university. Sa isang shed na tambayan nila. Kumpleto ang apat, tila F4 ang dating . Umiinom sila ng beer in can kahit nasa loob ng ng campus.

Hubert
Pare, mamayang gabi may popoy na naman tayo.

Alvin
Sino? Si Liza na naman ba? Sawa na ko ‘don pre. Wala na bang iba?

Alfred
Pa’nong ‘di ka magsasawa? E kahit wala tayong night out balita ko panay ang text mo kay Liza para puntahan ka sa pad mo.

Hubert
Gago ka Alvin, nagsosolo ka ha!

Alvin
Hindi ah! Sino naman ang nagsabi sayo n’yan?

Alfred
E di si Melay yung yaya mong daisysiete anyos. Selos na selos daw siya pag-ina-abutan
Kayo ni Liza ng breakfast in bed.

Hubert
Gago ka Alvin ‘wag mong sabihing pati si Melay tinatalo mo?

Alvin
Anong masama e gusto din naman niya.

Alfred
Wala ka talagang patawad. Tindi mo pre! By the way pare, sino naman yang sinasabi mong popoy? Si Liza na naman nga ba?

Hubert
Ulol! Bago ‘to. Si Verna, yung taga College of Nursing. P’re saglit ko lang niligawan bumigay agad.

Migs
You mean girlfriend mo na?

Hubert
Just for tonight pare. Para naman maging espesyal ang birthday ko, niyaya ko siya mamaya sa gimik ng tropa. Tinanong ko kung pwede siya, sabi niya hindi raw siya sumasama sa mga guys pag hindi kasama ang boyfriend niya.

Tawanan.

Komikong lalagyan ng cloud frame si Hubert ng tatlong kaibigan para sa dramatization ng phone conversation nila ni Verna. Nasa left side naman ng stage si Verna, bagong ligo, panty at bra lang ang suot, may tuwalya pang nakabalunbon sa buhok niya habang ipit ang cell phone sa pagitan ng kanyang tenga at balikat sabay sa paglalagay niya ng nail polish sa kanyang mga kuko sa paa ang pakikipag-usap kay Hubert sa kabilang linya.

Hubert
Puwede ka ba mamayang gabi? Birthday ko kasi, may gimik ang tropa.

Verna
Sorry ha, pero hindi ako sumasama sa gimik with guys pag di ko kasama ang boyfriend ko.

Hubert
Talaga, sayang naman. May boyfriend ka na ba?

Verna
Two weeks ago meron pero as of this moment wala pa. Why are you asking anyway?

Hubert
Masama bang magtanong?

Verna
Hindi naman po.

Hubert
Kung liligawan ba kita may possibility ba na maging boyfriend mo ko today?

Verna
Ah hmmm, let me think about it… Ambilis mo naman kasi e… hindi ba puwedeng bukas nalang?

Hubert
Bukas? Hindi ko na birthday yon. Maganda sana kung magiging tayo sa mismong araw ng birthday ko para I could consider you as a very special birthday gift.

Verna
Seryoso ka ba sa panliligaw mo?

Hubert
Oo naman.

Verna
Are you sure?

Hubert
Sorry ha, hindi kasi ako naniniwala sa roses and loveletters. I am not that kind of guy.

Verna
Okay, okay! Just give me a little time to think it over.

Hubert
Okay!

Ibaba ang phone.

Verna
Okey na ba yung ten minutes? Masyado yatang matagal yon… Three minutes na lang kaya? Hay na ko! Moderno na ang panahon ngayon, babae na ang nanliligaw sa lalaki. Buti nga ako niligawan pa sa phone kahit isang oras lang…

Kukunin ang cellfone. Da-dial.

Verna
Hubert!

Hubert
Verna!

Verna
Yes! My answer is yes.

Hubert
Talaga.

Verna
O, bakit parang hindi ka happy?

Hubert
Anong hindi, nagtatatalon na nga ako ngayon sa saya e.

Verna
Wala ka bang sasabihin sa akin?

Hubert
Ha? I love you nga pala.

Verna
I love you too… Sige, mamaya, 7pm kita nalang tayo sa starbucks.

Hubert
Okay I’ll wait for you. Bye!

Verna
Bye!

End of cloud, magdidilim sa part ni Verna.

Alvin
Pare, masayang birthday gimik ‘to.

Alfred
Tatawagan ko na si chief, exclusive dapat para sa atin ang bilyaran sa rooftop mamayang gabi.

Hubert
Alvin, may reserve ka bang dubi. Patitirahin muna natin, mukha kasing papakipot pa ‘to pag alak lang ang karga.

Alvin
Pare, always… lagkitan pa, fresh na fresh from Banawe rice terraces. Mula sa taniman ni Apo Abukay.

Hubert
Good pare!

Migs
Pare, wala ba tayong sabit d’yan?

Alfred
Game ba talaga ‘yan?

Hubert
Kailan ba tayo sumabit? Patay na patay sa akin ‘to. Tiyak bibigay ‘to ngayong gabi, sigurado ako d’yan.

Alvin
Kaw naman Alfred, wala kabang tiwala sa karisma ni Hubert? Wala pang hindi nahuhulog sa matatalim na sibat ng F4 lalong-lalo na ni A’ze.
Sing ala Jerry Yan
Oh baby, baby, baby!

Magdidilim.

Scene 5.
Sa billiard hall. Gabi.

Flashback. Birthday gimik ni Hubert. Kumpleto ang tropa. Alak, barbeque at tawanan. Maiingay na musika.

Verna
Hubert, I think I’m drunk. Hatid mo na ‘ko sa amin.

Hubert
Ano? Ang aga pa. The fun is just about to begin.

May ilalabas mula sa bulsa si Hubert. Dubi, sisindihan ito at hihithitin sa harap ni Verna.

Hubert
Would you like to try this?

Verna
Ha, ano yan?

Hubert
Okay ‘to. Tikman mo lang.

Verna
Ah e…

Hubert
Sige na… it’s my birthday naman e. Why don’t you give it a try?

Verna
Sige, pero konti lang ha.

Susubukan ito ni Verna. Noong una ay keme pa siya pero sa huli ay Magugustuhan niya rin ang paghithit nito.

Hubert
So how do you feel?

Verna
Cool! How bout you? How do you feel?

Hubert
I feel hot. I mean, I am horny.

Verna
Really?

Hubert
Can we do it tonight?

Verna
Where… here?

Hubert
Yeah, where else? Right here…

Isinandal ni Hubert sa pader si Verna. Isang halikang walang puknat ang namagitan sa dalawa habang gumagapang ang kanilang mga kamay sa katawan ng isa’t isa at sumusuot sa kaloob-looban ng saplot nila. Silhouette lang ang eksenang ito.

Verna
Lay me down.

Hubert
Get down on me first.

Verna
You want me to suck you?

Hubert
Kung okay lang sayo?

Verna
My pleasure!

Niluhuran ni Verna si Hubert. Maririnig ang ungol ni Hubert. Mula sa likuran ay lalapit sa dalawa si Alvin habang gamit ang cell phone at kinukunan ang ginagawa nina Hubert at Verna. Silhouette lang ang eksenang ito. Nasa direktor kung paano hindi magiging malaswa ang dula.

Alvin
Can I join?

Hubert
Of course, you can.

Verna
Hah! Hubert!?

Hubert
Okey lang ‘yon Verna. You’re going to enjoy this, trust me.

Verna
I don’t think so.

Tatayo si Verna ngunit babagsak sa sobrang liyo dala ng tineyk niyang dubi. Ibabangon siya ng dalawang lalaki at papagitnaan. Gagapang ang kamay nila sa kabuuan ni Verna. Wala ng magagawa si Verna kundi ang magpadala sa sensasyon na dulot ng droga na ipinagamit sa kanya ni Hubert. Silhouette lang ang eksenang ito.

Hubert
I told you… You’re going to enjoy this.

Alvin
Tama ka pare okey nga itong si Verna, walang panama kay Liza.

Magdidilim.

Scene 6.
Kuwarto ni Verna.

May kausap siya sa cell phone.

Verna
Hah! What are you saying Elize? Are you sure? Baka kamukha ko lang yan…. No, it can’t be me… Sige paki send sa akin ang mms aantayin ko… Ano, wala ka nang load? bullshit! I’ll send you a load para lang ma-i-send mo sa akin yan, okay!

Magsisindi ng Capri super slim… maya-maya ay tutunog ang cellfone niya.

Verna
No… it can’t be me! Ako nga ito. My God! How could this happen to me?

Da-dial sa cellfone

Verna
Putang ina mo, Hubert! Hindi ka na nasiyahan sa pambababuy n’yo sa ‘kin ng tropa mo… ikinalat nyo pa ang kahayupang ginawa niyo sa akin! Ang kakapal ng mukha n’yo! Anong wala kang alam?! Tarantado ka! Pagbabayaran mo to! Pagbabayaran niyo to!

Magdidilim sa part ni Verna

Hubert
Alvin, may kinalaman ka ba sa pagkalat ng sex video ni Verna? Hah!? Pare ba’t mo ipinasa sa iba? Anong hindi ikaw? Wag na nga kayong magturuan… sa palagay niyo ba sisikat tayo sa ginawang niyong ito? Diba usapan natin sa atin-atin lang ‘yon… Galit na galit si Verna… Nagbabanta siya pare…

Magdidilim sa part ni Hubert

Alvin
Pare, ikaw ba ang nagkalat ng sex video ni Verna? Anak-ka-nang! Pare, pahamak ka naman o! nagbabanta raw si Verna, baka maidemanda pa tayo ng di oras nito? Ano ba ang pumasok sa kukote mo at ipinasa mo ‘yon sa pinsan mo? Anong hindi mo alam?

Magdidilim sa part ni Alvin

Alfred
Pare, leche! Kumalat na yung sex video natin nila Verna! Pinakialaman kasi ng pinsan ko yung cellphone ko ‘di ko alam na na-i-bluetooth niya sa cp niya… pare, kalat na kalat na raw sa campus… pare, seconds lang naman ipinakita yung mukha ko ‘don diba? Obvious ba na ako ‘yon? Pahamak talaga yang pinsan ko!

Magdidilim sa part ni Alfred

Scene 7.
Sa rooftop. Gabi.

Sfx: Kakaibang ring tone ng cell phone, true tone ng ‘Friday the 13th’ the movie.

Habang bangag na bangag sa paghithit ng dubi sina Migs at Alfred ay mag-ri-ring ang cell phone ni Migs.

Alfred
Pare, bakit ayaw mong sagutin ‘yang phone mo?

Tulala si Migs.

Alfred
Pare, bakit ayaw mong sagutin yang phone mo?

Migs
Pare, si Verna.

Alfred
Pero, paanong nangayari ‘yon?

Migs
‘di ko ‘lam pare. Pero sigurado ako number ni Verna ang nakaregister dito sa Phone ko.

Alfred
Akina, ako ang sasagot. Hello! Putang ina! Kung sino ka man hindi nakakatawa ang biro mo!

Magiiba ang mukha ni Alfred sa narinig na sagot ng nasa kabilang linya. Mabibitiwan ang hawak na cell phone at babagsak ito sa paanan niya.

Migs
Pare, bakit? Sino ang sumagot?

Dadamputin ni Migs ang cell phone. At maririrnig ang tinig ng isang babae.

Tinig ng babae
Mga hayup kayo! Mga hayup kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyo sa akin! Hindi ko kayo patatahimikin! Susundan ko kayo kahit saan kayo magpunta! Isasama ko kayo sa impyerno na kinalalagyan ko ngayon!

Migs
Verna, ikaw ba ‘yan? Patawarin mo na kami. Patahimikin mo na kami! Parang awa mo na!

Mula sa kanang bahagi ng stage. Lalabas si Verna. Uupo sa isang bangko na nasa gitna ng stage. Walang imik. Nakatitig sa dalawa. Maririnig muli ang tinig ng isang babae ngunit hindi ito manggagaling sa bibig ni Verna. Tila galing sa hukay ang malamig na tinig na umuusig kay Alfred at Migs.

Tinig ng isang babae
Mga hayup kayo! Mga hayup kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyo sa akin! Hindi ko kayo patatahimikin! Susundan ko kayo kahit saan kayo magpunta! Isasama ko kayo sa impyerno na kinalalagyan ko ngayon!

Nakatitig sa dalawa si Verna. Nanunumbat. Nanguusig. Parang telebisyon na papanoorin nina Alfred at Migs ang susunod na eksena.

Makakarinig ng katok.

Verna
Papa!

Nanginginig. Takot na takot. Isang sampal ang isasalubong kay Verna ng kanyang papa.

General Alfon
Anong ginawa mo sa sarili mo? Bakit ka nagpababoy sa apat na lalaking ‘yon? Nakakahiya ka! Ikinahihiya kita! Kalat na kalat na sa internet ang malaswang sex video mo! Kahit sa bangketa, pinapakyaw ang vcd copy nito! Ubusin man natin ang pera natin hindi na mapipigilan ang eskandalong dinala mo sa pangalan ng mga Alfon!

Sasaktan si Verna. Sasampalin. Tatadyakan. Sasabunutan. Halos duguan ang labi nito habang nagmamakaawa.

Verna
Tama na po, ‘pa! Hindi ko po gusto ang nangyari sa akin. May ipinatikim po sila sa aking drugs. Nawala po ako sa sarili ko. Miski ako po, hindi po ako makapaniwala na ako ang babaeng nasa video na ‘yon. Pa, maniwala ka! Hindi ko ginustong magbigay ng kahihiyan sa pamilya natin.

General Alfon
Sino-sino ang mga lalaking ‘yon? klasmeyts mo ba sila?

Verna
Hindi po, campus mate lang po. Magbabarkada po sila.

General Alfon
Bakit ka napasama sa kanila? Did they rape you?

Verna
Hindi po ‘pa. Kusa po akong sumama sa kanila. Birthday po ni Hubert that night. He is my boyfriend. Hubert Villaflor.

Tatayo sa isang bahagi ng entablado ang bawat isa sa kanila. Mukha lang ang tatamaan ng spot light.

Hubert
Ako si Hubert Villaflor, anak ni Retired General AngeloVillaflor. Kahit retirado na si papa, may say parin siya sa kasalukuyang administrasyon. Malaki ang utang na loob sa kanya ng kasalukuyang pangulo dahil isa siya sa bumaliktad sa nakaraang administrasyon para mai-upo ang nasa Malacañang ngayon. Hindi ako pababayaan ni papa. Alam kong hinahanting na kami ngayon ng papa ni Verna, si General Alfon. Next week na ang flight ko. Doon muna ako sa mga Aunty ko sa Australia. Wala naman silang kasong isinampa kaya malaya akong makapupunta sa ibang bansa para maka-iwas sa gulo.

Verna
Alvin Alcantara.

Alvin
Ako si Alvin Alcantara, anak ni Congressman Gilbert Alcantara. Bakit ako magtatago? Wala akong alam na kasalanan sa ginawa ko. Trip lang ng tropa yung nangyari. Hindi naman namin siya ginahasa o sinaktan. Hindi siya sasama sa amin kung hindi siya game. Wala akong dapat katakutan. Hindi ako gagaya sa tatlong mokong na ‘yon para magtago sa likod ng palda ng nanay nila. Papasok ako sa University na parang walang nangyari.

Verna
Alfred de Asis

Alfred
Ako si Alfred de Asis, anak ni PNP Major Wilberto de Asis. Protektor ng mga naglalakihang club dyan sa Quezon Ave. Ang lagay e… papasindak ako? Pero para safe hindi muna ako papasok sa University. Mahirap na, General ang tatay ni Verna. Kumpare pa nga ‘ata ni papa si General Alfon. Tarantado kasi ‘tong pinsan ko. Kung di ba naman timang, sukat ba namang i-bluetooth yung sex video namin ni Verna sa cp niya. Oo, kasalanan ko. Ipinagyabang ko ito ng minsang nagiinuman kaming magpipinsan. Pero hindi ko akalaing kakalat ‘yon ng ganon. Kitang kita pa naman ang mukha ko ‘don. Buti yung tatlong mokong side view lang.

Verna
Miguel Eusebio.

Migs
Ako, si Miguel Eusebio. Magsasaka lang ang mga magulang ko sa Pampangga. Scholar ako ng Mayor namin dahil ninong ko siya. Napabarkada ako at napabilang sa F4. Nagkandaloko-loko na ang pag-aaral ko. Natutong magdroga. Ayoko naman talaga ng mga trip nila, kaso ayoko ring matawag na bakla. Naaawa ako kay Verna ng gabing ‘yon pero wala akong magawa.

Verna
Sa roof top ng billiard hall na pag-aari ng pamilya ni Alfred. Doon po nila ako binaboy!

Nagkasa ng baril si Generel Alfon.

General Alfon
Mga hayup! Sisiguraduhin ko na ‘di sila sasantuhin ng tingga ko! Itutumba ko silang lahat. Wala akong paki-alam kung masira man ang malinis na reputasyon ko bilang isang heneral.

Verna
Papa, ‘wag po. ‘wag n’yo na pong dungisan ang mga kamay niyo. Laban ko ‘ito papa. Hayaan niyong ako ang tumapos nito.

General Alfon
Simula ngayon. Hindi ka na lalabas ng kuwartong ito. Ipapaayos ko ang mga papeles mo sa abogado natin. Ipadadala kita sa states next month, doon ka na mag-aaral.

Lalabas ng pinto si General Alfon. Ibabalabag ito.

Tutungtong sa ibabaw ng bangko si Verna. kukunin ang cell phone sa bulsa ng maong. Magrerecord ng voice message.

Verna
Papa, I will always be your little daughter, the daughter that you always want me to be… so angelic, so fragile, and so innocent. I am sorry for the shame and the pain that I caused you. I hope you’d be able to forgive me. If not now, maybe in other life where we can live with pride and dignity again. I love you, papa! Goodbye!

Isa pang voice message ang i-re-record niya.

Verna
Mga hayup kayo! Mga hayup kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyo sa akin! Hindi ko kayo patatahimikin! Susundan ko kayo kahit saan kayo magpunta! Isasama ko kayo sa impyerno na kinalalagyan ko ngayon!

Ibabalik ni Verna ang cell phone sa kanyang bulsa. Huhubarin ang kanyang sinturon sa suot na maong at itatali sa leeg niya. Isasabit sa kisame. Sisipain niya ang bangko at titimbuwang ito. Lulutang si Verna sa ere, dilat ang mata. Pwedeng gumamit ng harness para safe ang eksenang ito.

Alfred
Basagin mo yang putang inang cell phone mo Migs! Napapraning na ako dyan!

Babasagin ni Migs ang cell phone niya. Cell phone naman ni Alfred ang mag-ri-ring. Sasagutin ito ni Alfred.

Sfx: Isang nakakatakot na ring tone, truetone ng Psycho the movie.

Muli ay tinig ni Verna ang kanyang maririnig.

Tinig ng babae
Mga hayup kayo! Mga hayup kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyo sa akin! Hindi ko kayo patatahimikin! Susundan ko kayo kahit saan kayo magpunta! Isasama ko kayo sa impyerno na kinalalagyan ko ngayon!

Babasagin ni Alfred ang cell phone niya.

Migs
Pare, baka tayo na ang isusunod ni General Alfon. Mahigit isang linggo na ang nakalilipas nang magpakamatay si Verna. May isang linggo na rin nang mabaril si Alvin ng isang ‘di kilalang lalaki sa gate ng University at tatlong araw ng nawawala si Hubert. Dapat sa linggo na ang flight niya pero hanggang ngayon ay ‘di pa rin malaman kung nasaan siya. Pare, sinalvage na ‘ata si Hubert.

Alfred
Putang ina, Migs! Pag di ka tumigil akong papatay sayo! Itinago lang si Hubert ng mga magulang niya. Pinapalabas lang nilang nawawala siya. At ilang beses ko bang sasabihin sayo na napagtripan lang si Alvin. Walang kinalaman ‘yon kay Verna.

Migs
Pare, ‘wag kang magbulag-bulagan. Alam mo’ng totoo. Ramdam kong umuurong narin yang bayag mo sa takot.

Alfred
‘Tang ina! Kulang ka lang nito. Sige, hithit pa, para kumalma ka.

Hihithit pa sila ng dubi. Halos ubuhin na ang dalawa.

Migs
Pare, hindi ko na kaya. Hindi na kaya ng konsensiya ko ang ginawa natin kay Verna.

Magkakaroon ng hallucination si Migs dala ng droga. Makikita niya si Verna na papalapit sa kanya.

Tingi ng isang babae
Mga hayup kayo! Mga hayup kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyo sa akin! Hindi ko kayo patatahimikin! Susundan ko kayo kahit saan kayo magpunta! Isasama ko kayo sa impyerno na kinalalagyan ko ngayon!

Migs
Tama na! Tama na! Patahimikin mo na kami!

Alfred
Migs, ano bang nangyayari sayo?

Migs
Si Verna… si Verna, nasa harapan natin. Hindi mo ba siya nakikita?

Alfred
Migs. Patay na si Verna! Nasobrahan ka lang ng dubi at alak. Bubuhusan kita ng malamig na tubig para mahimasmasan ka.

Migs
Nasa likod mo siya. Sasaksakin ka niya.

Alfred
Migs, walang tao sa likuran ko.

Migs
Sasaksakin ka niya!

Alfred
Migs, ‘wag kang tumuntong diyan. Nasa rooftop tayo. Baka malaglag ka. Migs, wag kang tatalon! Miggsss!!!

Bago pa mahawakan ni Alfred si Migs ay nahulog na ito.

Uupo si Alfred sa isang tabi na parang isang bata. Takot na takot. Makikita niya si Verna sa kanyang harapan.

Verna
Nagiisa ka nalang Afred. Patay na silang tatlo. Nagiisa ka nalang!

Alfred
‘wag kang lalapit! Lumayo ka sa akin! Guni-guni lang kita! Hindi ako naniniwala sa multo!

Verna
Tama ka! Bunga lang ako ng usok na hinithit mo. Usok na pinahithit niyo sa akin ng gabing binabuy niyo ako! Halika Alfred, gawin mo uli ang ginawa mo sa akin!

Alfred
Hindi… layuan mo ako! Babarilin kita!

Verna
Sa palagay mo tatablan ako ng bala ng baril mo? Ikaw na ang nagsabi guni-guni mo lang ako. O, saan ka pupunta? Tatalon ka rin ba tulad ni Migs?

Magbabaril sa sintido ng ulo si Alfred.
Magdidilim.

Scene 8.
Sa gate ng University. Araw.

Flashback. Sa kaliwang bahagi ng stage, si Alvin. Payosi-yosi habang nakikinig ng mp3. Tatabihan siya ng isang lalaki.

Lalaki
Brad, pahits naman.

Alvin
Ha? Ano kamo?

Lalaki
Baka kako puwedeng maka arbor ng isang yosi.

Alvin
Bakit wala ka bang pambili? Joke lang. Eto o.

Lalaki
Pasindi na rin.

Alvin
Sure. Estudyante ka ba dito sa University?

Lalaki
Hindi. Pero may kilala akong estudyante dito na may atraso ka.

Alvin
Ha? Anong sinasabi mo?

Lalaki
Eto may ipinabibigay siya sayo.

Dudukot sa likuran ng baril at ipuputok ito ng malapitan sa ulo ni Alvin.

Magdidilim.

Scene 9.
Sa kalye. Gabi.

Sa kanang bahagi naman ng stage, si Hubert. Nakataas ang mga kamay sa ere habang kinakapkapan ng dalawang lalaking naka military uniform.

Hubert
Ano ‘to checkpoint? Ano bang kasalanan ko? May nilabag ba akong traffic rules? Hindi naman kayo MMDA? Hindi niyo ba nakikita red plate ang plaka ko. Kilala n’yo ba si General Villaflor? He’s my father! Baka pagsisihan niyo ‘tong ginagawa niyo.

Lalaki 1
Ang dami mo pang satsat. Bakla ka ba?

Hubert
Sinong bakla? Gago ka pala e!

Da-dial sa cell phone ang ikalawang lalaki.

Lalaki 2
Sir, positive. Siya na nga.

Ipoposas si Hubert at hahatawin ng baril sa ulo. Babagsak. Bibitbitin ito sa gitnang bahagi ng stage, ibabagsak sa paanan ni General Alfon na naka-upo sa isang bangkito. Sisipain ni General Alfon si Hubert sa mukha upang magising.

General Alfon
Hubert Villaflor. The youngest son of Retired General Villaflor. Allow me to introduce my humble self. General Alfon, Sounds familiar to you?

Hubert
Kayo po ang father ni Verna?

General Alfon
Tama ka. Si Verna, ang nag-iisa kong anak. Ang babaeng ginawa niyong parausan. Hindi pa kayo naging masaya at ipinagmalaki pa niyo sa buong Pilipinas ang kahayupang ginawa niyo sa anak ko. Ganyan na ba talaga kayong mga kabataan ngayon? Wala ng halaga sa inyo ang moral! Ang dangal! The virus created by the modern technology corrupted your minds.

Hubert
Sir, patawad po! Pinagsisihan ko na po yung ginawa ko kay Verna. Magbabago na po ako. Please, give me a chance to live a new life. Spare my life! I beg you!

General Alfon
Sorry boy! I’m not God. Sa kanya ka makiusap at baka pakinggan ka pa niya. Pero sa ngayon eto munang baril ko ang makikipagusap sayo. Hubaran ‘yan! ‘yung handy cam akina.

Huhubaran ng ng pantalon at t-shirt si Hubert ng dalawang lalaki. Magpapapalag ito ngunit walang magagawa.

Hubert
Anong gagawin niyo sa akin? Bullshit! What is this?

General Alfon
Sige mga bata, kayo ng bahala diyan. Give me a good show!

Magsusuot ng bonet sa mukha ang dalawang lalaki para hindi sila makilala. Kukunan ng video ni General Alfon ang susunod na mangyayari.

Lalaki 1
Body, ako na sa Likuran. Pasasabugin ko lahat ng tae sa puwit nito.

Lalaki 2
Sige, susubukan ko naman kung gaano kagaling sumubo ang lokong ‘to. Hala, isubo mo ‘tong burat ko! Kung ayaw mong iputok ko ‘tong magnum sa bunganga mo.

Hubert
Maawa po kayo!

Lalaki 1
Ngayon mo tawagin ang tatay mong retired general.

Lalaki 2
Sige, isubo mo ng buong-buo. Galingan mo boy. Gamitin mo ang dila mo.

Tawanan. Maririnig ang pag-ungol at pag-iyak ng binata. Sa hirap na dinadanas sa kamay ng dalawang lalaki. Silhouette lang ang eksenang ito. Nasa direktor kung paano hindi magiging malaswa ang dula.

Lalaki 1
Ayos, parang tumira din ako ng virgin na disi-sais anyos. Sikip pala ng puwet mo, paltos ang titi ko sayo.

Lalaki 2
Sir, ano na’ng gagawin namin dito?

General Alfon
Sige, ako na ang bahala sa kanya. Maganda ‘tong eksenang nakunan ko. Tiyak, papakyawin ng mga bakla sa bangketa ang vcd copy nito.

Lalapit si General Alfon kay Hubert.

General Alfon
Ngayon, itong baril ko naman ang isubo mo iho.

Hubert
‘Wag po!

Maririnig ang putok ng baril. Babagsak ang binata. Kukunin ni General Alfon Ang Cell phone sa kanyang Bulsa. Cell phone ito ni Verna. Pakikinggan niya ang isang sound clip.

Tinig ni Verna
Papa, I will always be your little daughter, the daughter that you always want me to be… so angelic, so fragile, and so innocent… I am sorry for the shame and the pain that I caused you. I hope you’d be able to forgive me, if not now, maybe in our next life where we can live with pride and dignity again. I love you, papa! Goodbye!

Isang mapait na pagtangis ang pakakawalan ni General Alfon.

Magdidilim.

Wakas

Copyright 2004

Sa magnanais na isa-entablado ang dulang ito maaari po lamang na makipag-ugnayan sa may akda sa pamamagitan ng email sa taatamata_demesa@yahoo.com o personal na makipag talastasan Kay Harold C. de Mesa sa numero 09156919334.
Maraming salamat po!

 

Kiriring, Aida at Macaraig (stage play script)

Filed under: Uncategorized — taatamata @ 11:31 am
Tags:

KIRIRING, AIDA’T MACARAIG
ni Harold C. de Mesa

PROLOGO

Lalaki/ Erickson:
Diligin mo ng hamog ang kuyom kong talulot,
Hagkan mo ng ‘yong labi ang uhaw kong kamunduhan,
Hukayin mo ang aking kaibuturan,
Simsimin mo ang aking halimuyak,
At sa pagkalagas ako’y iyong pulutin,
Ilagay sa aklat at doon ipitin.

Babae/Aida:
Isara mo ang pinto, hubaran mo ako. Iduyan mo ako sa ‘yong indayog.
Namnamin mo ang lasa ng aking balat, sipsipin mo ang dibdib ko pababa sa aking pusod.
Baliwin mo ako sa buong magdamag at hayaang umalpas ang init na nadarama.
Busalan mo ang aking labi ng pigil na hiyaw ay ‘di pumailanglang sa gitna nang hating-gabi.

Babae/ Kristine:
Huwag kang umiyak, ika’y mag-gayak. Pahirin ang luha sa ’yong mukha. Lapit ka sa ‘king tabi at ngiti ang iganti sa titig kong walang sigla. Ibangon mo ako, aking kaibigan, at ‘yong yakapin. Hagkan mo ang aking pisngi sa huling sandali at sa saliw ng ponebre ako’y iyong awitan. Ihatid mo ako Sa huling hantungan.

Kristine:
Kung ikukwento ko ang buhay ko, may makikinig kaya?

Aida:
Kung isa akong awit, kaya ko kayang ihele sa aking himig ang isang sanggol na kay hirap patahanin, hanggang sa tuluyan itong umidlip ng sakdal himbing?

Erickson:
Kung isa akong aklat, huhusgahan mo ba ako sa aking pabalat?

 

(Si Kiriring, si Aida at Macaraig, tatlong karanasan na itinudla ng iisang kapalaran)
UNANG YUGTO

BAGO PA MAGBUKAS ANG ILAW SA ENTABLADO AY DAHAN-DAHANG PAPASOK ANG “5 YEARS” NA MUSIKA NG BANDANG SUGAR HICCUP.

ANG ENTABALADO:
ISANG SILID PAMBABAE. MAY KATRENG NAKAHALANG SA GITNA, NABABALUTAN ITO NG KOBRE-KAMANG LILA. SA BANDANG ULUNAN NITO (SA GAWING KANAN) AY MAY SIDE TABLE NA MAY NAKAPATONG NA LAMP SHADE NA MAY PULANG ILAW AT TELEPONONG SINA-UNA. SA KALIWANG BAHAGI NAMAN NG ENTABLADO AY MAY ISANG TOKADOR AT ISANG VANITY MIRROR. NAKA-UPO ANG ISANG BABAE SA GILID NG KAMA, SUOT ANG NYTIS NA PUTI AT HALOS ANINAG ANG KANYANG ITIM NA PANTY AT BRA. HAWAK NG BABAE ANG ISANG KAHON NA PUNO NG MGA LUMANG LIHAM AT MULA RITO AY MAY KUNG ANONG INSEKTO ANG KAKAGAT SA KANYA.

KRISTINE:
ARAY! IMPAKTO KA! SIGE, NGAYON KA MAGPAKITA SA AKIN… LABAS PATI BITUKA MO PAGTINAMAAN KA NITONG TSINELAS KO.
IAANGAT ANG KATRE AT HAHABULIN NG HATAW SA SAHIG ANG IPIS.

PATAY KANG LOKO KA! YAN ANG BAGAY SA YO!
SAAN KAYA NANGGAGALING ANG MGA DAMUHUNG IPIS NA ‘TO? MGA PERWISYO! KITA MO’T SIRA-SIRA NA ‘TONG MGA SULAT SA AKIN. PINAGKATABI-TABI KO PA NAMAN ANG MGA ITO SA TOKADOR PARA DI MASIRA, TAPOS IIPISIN LANG.

MARARAMDAMAN NIYA ANG MAIINIT NA IPOT NG BUTIKI SA KANYANG KANANG BALIKAT. TITINGALA SA KISAME KUNG SAAN MAKIKITA ANG ISANG BUTIKI NA TILA NANG-AASAR.

BASTOS ‘TONG BUTIKING ‘TO AH! ANG DAI-DAING IIPUTAN AKO PANG NAPILI…. BUMABA KA NGA D’YAN NG MALAMAN MO ANG HINAHANAP MO! ABA, NANDILA PA…

PUPUKULIN ANG BUTIKI SA KISAME NG ISANG POCKETBOOK

AT ANG GALING UMILAG NG DAMUHO. MAY ARAW KA RIN SA AKIN.

UUPO SA GILID NG KAMA NA TILA NAG-IISIP NG SERYOSO.

AHH! ALAM KO NA! DUDURUGIN KO ANG MGA ITLOG MO SA PASIMANO AT TOKADOR… TIYAK PAG NAKITA MO YON MADUDUROG DIN ANG PUSO MO. KAYA LANG KAWAWA NAMAN SIYA KUNG GAGAWIN KO YON. KUNG SA BAGAY MAY NAITUTULONG DIN NAMAN ANG MGA BUTIKI SA AKIN … KINAKAIN NILA ANG MGA LAMOK NA SUMISIPSIP NG DUGO KO.

MATATAWA

KAHIT DI NAMAN NILA KAININ ANG MGA PESTENG LAMOK NA ‘YON, EH KUSA NA SILANG BABAGSAK AT MATETEPOK. IBA YATA ANG DUGO KO… MAY FORMULA H-IV (H-FOUR).

TATAWA NG TATAWA HANGANG SA MASAMID. KUKUNIN ANG BOTE NG TANDUAY SA ILALIM NG KAMA. TUTUNGGA AT PARANG ENDORSER NG ALAK SA ISANG COMMERCIAL NIYANG I-PRO-PROMOTE ANG INIINOM.

PAMPATANGGAL NG BARA… PAMPA-INIT DIN NG LALAMUNAN. ANG LAMIG KASI NG PANAHON NGAYON DITO SA PINAS, PARANG WINTER SA AMERIKA.

MAG-KAKALKAL NG MGA LUMANG LIHAM SA ISANG LUMANG KAHON.

ITO ANG SULAT SA AKIN NG BESTFRIEND KO’NG SI DITAS NANG MAGKAHIWALAY KAMI NG LANDAS PAGKA-GRADWEYT NG HIGH SCHOOL. AKO, NAGTRABAHO SA PABRIKA NG CHRISTMAS LIGHT, SIYA NAMAN AY PINAG-ARAL SA KOLEHIYO NG AUNTY NIYA SA BACOLOD.

BABASAHIN ANG LIHAM SA KAPIRASONG PAPEL.

KRISTINE, AYOKO SANANG SUMAMA SA TITA KO SA BACOLOD PERO WALA NAMAN AKONG MAGAWA. SIYA RAW ANG MAGPAPA-ARAL SA AKIN SA KOLEHIYO, ALAM MO NAMANG ‘DI NA AKO KAYANG PAG-ARALIN NINA INAY AT ITAY. SABI NI TITA, IHAHANAP NIYA RAW AKO NG MAPAPANGASAWANG M.M.M.M.- AS IN MATANDANG MAYAMANG MADALING MAMATAY, YUN BANG HACIENDERO. MARAMI RAW NO’N SA BACOLOD. KAYA LANG ALAM MO NAMANG ANG GUSTO KONG MAPANGASAWA AY ISANG M.G.B. DIBA? MACHO GUAPITO AT BAGETS.

MAPAPABUNGISNGIS. ITUTULOY ANG PAGBABASA.

BASTA KAHIT NA ANO ANG MANGYARI BESTFRIEND TAYO FOREVER. SULATAN NALANG TAYO LAGI. ALWAYS TAKE CARE OF YOURSELF AND REMEMBER THAT EVEN WE’RE FAR FROM EACH OTHER… YOU’LL BE NEAR IN MY HEART. LOVE AND CARE, DITAS.

KUKUYUMIN ANG SULAT SA KANYANG DIBDIB.

DITAS, IKAW PARIN NAMAN ANG BESTFRIEND KO HANGGANG NGAYON. KAYA LANG NAKALIMUTAN MO NA ATA AKO DAHIL NAKAPAG-ASAWA KA NA NG M.M.M.M. NA HACIENDERO…

MULI AY MAGKAKALKAL NG MGA LIHAM.

ETO YUNG CARD NA BIGAY SA AKIN NG FIRST BOYFRIEND KO, SI CARLO. ANG GANDA-GANDA NG CARD PERO PAGDATING SA MESSAGE BALU-BALUKTOT ANG INGLES AT MALI-MALI ANG SPELLING. KAYA NGA AKO NAKIPAG-BREAK SA KANYA. BIRUIN MO ANG SPELLING NG DEAR NIYA DAIRY? AS IN D-A-I-R-Y. OH, ETO NGA EH… DAIRY KRISTINE, ANO BA YAN, GINAWA PA AKONG BAKA. TURN OFF TALAGA.

MAY ISA PANG LIHAM NA BABASAHIN, MAPAPALITAN NG GALIT ANG SAYA SA MUKHA NIYA.

KRISTINE, I RECEIVED YOUR LETTER AND PICTURES THIS MORNING. I THINK I HAVE FINALLY FOUND THE WOMAN OF MY DREAMS AND IT ‘S YOU…

BOLERO!

I WILL COME TO THE PHILLIPINES NEXT MONTH AND ASK FOR YOUR HAND. I’LL BE THERE TO MARRY YOU AND BRING YOU HERE WITH ME IN AMERICA. YOUR FUTURE HUSBAND, KENT RYAN.

KASAL? PUPUNTA SI KENT RYAN DITO SA PILIPINAS PARA PAKASALAN AKO? MAGIGING SI MRS. KRISTINE RYAN NA AKO! MAKAKARATING NA AKO SA AMERIKA! MATUTUPAD NA ANG LAHAT NG PANGARAP KO. MABIBILI KO NA ANG LAHAT NG GUSTO KO. MAKAPAGSUSUOT NA AKO NG FUR AND COAT. MAKAPAG-AARAL NA AKO NG KAHIT NA ANONG KURSO SA HARVARD… SA YALE O SA PRINCETON UNIVERSITY! SA WAKAS…

PARANG KALULUWA NA AALIS SA KANYANG KATAUHAN AT HAHARAPIN ANG SARILI SA KANINANG KINATATAYUAN UPANG KAUSAPIN. TILA BA MAY SPLIT-PERSONALITY SYNDROME.

YAN ANG AKALA MO, GAGA! WALA KANG KAMALAY-MALAY SA NAPAKAGANDANG KAPALARANG NAGHIHINTAY SAYO SA AMERIKA. KAYA ETO KA NGAYON, BALIK PILIPINAS PAGKALIPAS NG LIMANG TAONG PAMAMALAGI MO ROON. LIMANG TAONG ALALA NA DI MO MALILIMUTAN HABANG IKAW AY NABUBUHAY. KUNG HAHABA PA ANG BUHAY MO?

TATAWA NG TATAWA

BABALIK SA KANYANG DATING KINATATAYUAN. MANGINGINIG ANG MGA KAMAY SABAY PUNIT SA LIHAM.

HAYUP KA! PUTANG INA MO! ANIMAL! NILOKO MO KO! SINIRA MO ANG BUHAY KO, WINASAK MO ANG MGA PANGARAP KO!

MULING KUKUNIN ANG BOTE NG TANDUAY SA ILALIM NG KAMA AT TUTUNGGAIN.

ANG SARAP TALAGA NG ALAK SA PILIPINAS. ALEN? SA AMERIKA PARANG MAPAPANGHING IHI ANG ALAK NILA RON. HINDI NAKAKALASING, NAKADUDUWAL. BABOY ANG MGA KANO, ANG GUSTO NILANG PULUTAN AY MANE, MANENG NAGDURUGO.

ANG HIRAP TALAGA NG WALANG MAKA-USAP. PATI TULOY IPIS AT BUTIKI NAPAGDIDISKITAHAN KO NA. SI INAY NAMAN, YON, BISING-BISI SA PAGBABANTAY NG TINDAHAN NIYA, NI DI LANG MAN AKO MASILIP.

ANONG GINAGAWA NITONG TELEPONO, TEKA ASAN BA YUNG LUMANG PHONEBOOK. SIGURO NAMAN ETO PARIN ANG MGA NUMBERS NILA?

MAGSISINDI NG SIGARILYO HABANG DUMA-DIAL SA TELEPONO.

HELLO! PWEDE PO KAY ELLEN… WALA PO… PAKISABI TUMAWAG PO SI KRISTINE YUNG CLASSMATE NIYA NUNG HIGH SCHOOL… OHO, AKO NGA HO YUNG KAIBIGAN NIYANG BALIKBAYAN…

HELLO! CAN I TALK TO JANE? THIS IS JANE… JANE, SI KRISTINE ‘TO… DI MO NA BA AKO NAALALA? O ANO KAMUSTA KA NA? JANE… JANE… HELLO! HELLO!

NI REDIAL ANG TELEPONO

HELLO! JANE… BAKIT MO AKO BINAGSAKAN? HA… ANONG WRONG NUMBER… KILALA KO ANG BOSES MO. IKAW SI JANE… HELLO! HELLO!

BWISIT! NAY!!! BIGYAN MO PA NGA AKO NG ISANG BOTENG TANDUAY! PATI YATA ANG MATANGDANG YON BINGI NARIN,

DIAL MULI

HELLO OPERATOR! LONG DISTANCE CALL… BACOLOD… FOR DITAS TALAVERA… DITAS TALAVERA… THE NUMBER IS 741-13-62.

NAGSINDI NG SIGARILYO

AH HELLO! MR. TALAVERA SI KRISTINE PO ITO, BESTFRIEND NI DITAS… AY, WALA PO SIYA DYAN SA BACOLOD. AH TALAGA PO NANDITO PO SIYA SA MAYNILA SA MGA NANAY NIYA? SIGE PO, MARAMING SALAMAT!

PUNTAHAN KO KAYA SIYA… ANO NA KAYANG ITSURA NG BAHAY NILA? UP AND DOWN NA SIGURO ANG SAHIG… IKAW BA NAMAN ANG MAKAPANGASAWA NG HACIENDERO… SINUWERTE TALAGA ANG BESTFRIEND KO. SUWERTIHAN LANG TALAGA ANG BUHAY!

MAGPAPALIT NG DAMIT PANLAKAD, HAHARAP SA VANITY MIRROR. MAGLALAGAY NG MAKE-UP. PAGMAMASDAN ANG SARILI AT BIGLANG MAAASAR SA MAKIKITA NIYANG REPLEKSIYON SA SALAMIN.

AYOKO NANG LUMABAS NG BAHAY! BAKA TANDA PA NG MGA TAO ANG MUKHA KO. BUWISIT KASING DIYARYO’T TELEBISYON YAN… HINDI NA AKO BINGYAN NG KAHIHIYAN BASTA MAY MAIBALITA LANG

PAROON AT PARITO, TILA DI MAPAKALI, PARANG TSIMINEYA SA SUNOD-SUNOD NA PAGBUGA NG USOK ANG KANYANG BIBIG. UUPO SA KAMA AABUTIN ANG TELEPONO AT MAGDA-DIAL MULI.

HELLO! CAN I TALK TO DITAS PLEASE? HER FRIEND, KRISTINE RYAN… YES…

HELLO! DITAS, IKAW NA BA YAN? O ANO KAMUSTA? IKAW HA NAGTATAMPO AKO SAYO. HINDI KA MAN LANG SUMULAT SA AKIN NG NASA AMERIKA PA AKO. HINTAY AKO NG HINTAY SA SULAT MO. TAPOS, NGAYON NAMANG MAHIGIT ISANG BUWAN NA AKO DITO SA PILIPINAS, HINDI MO MAN LANG AKO DINADALAW O KAYA’Y TINATAWAGAN MAN LANG. MAY TAMPO KA BA SA AKIN? … YUN NAMAN PALA EH! PERO BA’T GANYAN KA? BA’T GANYAN KAYO? IKAW? SI ELLEN? SI JANE? TINGIN KO INIIWASAN NIYO AKO…

ANO BA ANG KASALANAN KO SA INYO? AH, PASENSIYA KA NA. DEPRESS NA DEPRESS LANG KASI AKO SA MGA PANAHONG ITO. HINDI NIYO NA KAILANGANG SABIHIN ANG DAHILAN NG PAG-IWAS N’YO SA AKIN. ALAM KO, ALAM N’YO NA… ALAM NYO NA…

DITAS, BA’T GANON? DI KO NAMAN GINUSTO ‘TO. HINDI KO PINANGARAP NA MAGKAGANITO AKO. NAGPUNTA AKO SA AMERIKA PARA HUMANAP NG MAGANDANG KAPALARAN. HINDI KO HINANGAD NA… DITAS, NADIYAN KA PA BA… DITAS, MAKINIG KA NAMAN, O! SANA IKAW PA RIN ANG DATI KONG KAIBIGAN NA HANDANG DUMAMAY SA AKIN SA LAHAT NG ORAS. IKAW LANG NAMAN ANG HINGAHAN KO NG PROBLEMA AT SAMA ANG LOOB. NOONG NASA AMERIKA PA AKO AT… AT NANGYARI SA KIN ANG LAHAT NG KAHAYUPANG DI KO INAASAHAN SA TANANG BUHAY KO… PANGALAN MO ANG LAGI KONG TINATAWAG, DITAS… BINABOY AKO NG HAYUP NA AMERIKANONG ‘YON. HINDI AKO ANG BUMABOY SA SARILI KO. HINDI KO GINUSTONG IWASAN NIYO AKO AT PANDIRIHAN SA KALAGAYAN KO NGAYON.

PINAKASALAN AKO NG KANONG YON DITO SA PILIPINAS AT DINALA SA BANSA NILA. AKALA KO, NAKA-JAKCPOT NA AKO. MAYAMAN, GUAPO, MALAMBING. NASA KANYA NA ANG LAHAT NG HINAHANAP KO SA ISANG LALAKI. ANG SWEET-SWEET PA NIYA SA AKIN NUNG MGA UNANG ARAW NG HONEYMOON NAMIN. AKALA KO SIYA NA ANG PRINSEPENG HINIHINTAY KO. NAGKAMALI AKO. ISA PALA SIYANG HAYOP! HAYOK SA LAMAN ANG HAYOP! KUNG ANO-ANO ANG PINAGAWA NIYA SA AKIN PAG NAGTATALIK KAMI. BINABOY NIYA AKO. TUMATANGGI AKO PERO SINASAKTAN NIYA AKO. SADISTA. SADISTA PA ANG HAYOP! BUGBOG NA NGA ANG KATAWAN KO SA KUNG ANO-ANUNG PINAGGAGAWA NIYA SA AKIN. BUGBOG PA AKO SA KAMAO NIYA.

MULA SA KANANG BAHAGI NG ENTABLADO AY PAPASOK ANG ISANG BABAE NA TAKOT NA TAKOT AT NAGMAMAKAAWA. BABAGSAK SIYA SA HARAPAN NI KRISTINE NA PARANG HUMIHINGI NG SAKLOLO (SIYA ANG FLASHBACK NG KARANASAN NI KRISTINE SA AMERIKA).
SHADOW WOMAN 1:
NO! KENT, PLEASE… DON’T DO THAT. I BEG YOU, PLEASE… DON’T HURT ME!
(HIHIYAW NA TILA PINAPASO NG SIGARILYO ANG BABAE)

KRISTINE:
PUROS PASA AKO. PINASO-PASO PA AKO NG SIGARILYO.

SHADOW WOMAN 1:
PLEASE, STOP IT! ANIMAL! ANIMAL!!!

KRISTINE:
HINIWA NIYA NG BLADE ANG DIBIDB KO AT DINIDILAAN ANG BAWAT LUMALABAS NA DUGO. TILA DI NIYA NARARAMDAMAN ANG SAKIT NA IDINUDULOT NIYA SA AKIN. BAWAT TILI KO AY KATUMBAS NG MAKAPUTOL-ULO NIYANG SAMPAL NA HALOS IKABALI NG LEEG KO. ISINISIGAW KO ANG PANGALAN MO NG MGA ORAS NA ‘YON.

SHADOW WOMAN 1:
DITAS, DITAS! TULUNGAN MO AKO! DITAS!!!

KRISTINE:
SIGURO KUNG NARIRINIG MO LANG AKO BAKA SINAKLOLOHAN MO AKO. IPINAGDADASAL KO NGA NA SANA UMABOT SA PILIPINAS ANG MGA SIGAW KO PARA SAKLOLOHAN MO AKO. HAYUP SIYA!

KATAHIMIKAN

KRISTINE:
AKALA KO SA LAMAN LANG SIYA HAYOK. YUN PALA PATI SA PERA. HINDI LANG PALA AKO… HINDI LANG AKO ANG PILIPINANG PINAKASALAN NIYA SA PILIPINAS GAMIT ANG IBA’T IBANG PANGALAN. MARAMI KAMING PINAY NA GINAWA NIYANG NEGOSYO SA KASA NIYA. ISANG SILID NA KAY DILIM, NAGMISTULANG BARTOLINA KO. PARA AKONG MABABALIW. ARAW-ARAW IBA-IBANG LALAKI ANG GUMAGAMIT SA AKIN.
MAY MAPUTI, MAY NEGRO, MAY MATABA MAY PAYAT, MAY UNANO. WALANG PAHINGA. DAIG KO PA ANG KABAYONG MAY HILA-HILA KALESA. LATIGO ANG KATAPAT NG BAWAT HINGAL. HALOS BUMUBULA NA ANG LAWAY KO SA PAGOD… AKALA KO, WALA NANG KATAPUSAN YON. AKALA KO DUN NA AKO MAMAMATAY.

DARATING ANG ISA PANG BABAE PARA GISINGIN ANG NAUNANG BABAE SA PAGKA-IDLIP NGUNIT MABIBIGLA ITO AT MAGHIHISTERIYA.

SHADOW WOMAN 1:
NO, AYOKO NA, PLEASE! PUTANG INA N’YO! TIGILAN N’YO NA AKO!!!

SHADOW WOMAN 2:
KRISTINE, SI DELIA ‘TO. WAG KANG MAINGAY BAKA MARINIG TAYO NI KENT. TATAKAS TAYO.

KRISTINE:
NANG SINUBUKAN NAMING TUMAKAS NI DELIA, ISA SA MGA BABAENG TULAD KO NA NABIKTIMA NI KENT…

DAHAN-DAHAN SILANG TATAKAS. BIGLANG TUTUNOG ANG ALARM AT BUBULAGA SA KANILA ANG ISANG MALAKING LALAKI.

SHADOW MAN:
WHERE DO YA THINK YOUR GOIN’ BITCH? DO YA THINK YA CAN GET AWAY FROM HERE?
KRISTINE:
NAHULI NIYA KAMI. MAY ALARM PALA AT SURVIELANCE CAMERA ANG BAWAT PADER NA DADAANAN NAMIN PARA MAKATAKAS. PINARUSAHAN NIYA KAMI.

SHADOW MAN:
THIS IS YOUR HELL. NO ONE ESCAPES HERE. YA FOOL!

IBABALYA NG LALAKI ANG UNANG BABAE SA DATI NITONG KINAROROONAN, SA HARAPAN NI KRISTINE. HIHILAIN NAMAN NIYA SA BUHOK PALABAS ANG IKALAWANG BABAE.

KRISTINE:
NARINIG KO ANG BAWAT TILI AT SIGAW NI DELIA SA KABILANG KUWARTO NA TILA HINAHAGUPIT NG BUNTOT PAGE. NARIRINIG KO ANG BAWAT PAGMAMAKAAWA NIYA HANGGANG SA UNTI-UNTING PUMARAM ANG TINIG NIYA. MARAHIL AY SA HIRAP KAYA NAWALAN NA SIYA NG BOSES O MARAHIL AY PATAY NA SIYA.

HABANG INILALAHAD NI KRISTINE ANG LAHAT AY NAKIKITA NIYA SA BABAENG NAKA-ITIM SA KANYANG HARAPAN ANG SINAPIT NIYA SA KAMAY NG AMERIKANO.

KRISTINE:
PAGKATAPOS NUN, PINAKIRAMDAMAN KO ANG PINTUAAN NG BANYONG PINAGKULUNGAN SA AKIN NI KENT. NAGULAT AKO NANG BIGLANG KUMALABOG ANG PINTO AT BUMUKAS. ANG BALBAS SARADONG MUKHA NI KENT ANG BUMULAGA SA ‘KIN. HUMAHALAKHAK PA SIYA SABAY HILA SA BUHOK KO. HALOS MATANGGAL ANG ANIT KO. INILUBLUB NIYA AKO SA INIDORO NA PUNO NG TAE AT IHI, SABAY FLUSH NIYA. NALUNOD AKO AT HALOS HINDI MAKAHINGA. GINAWA NIYA AKONG LABATIBA. KUNG KASYA LANG ANG ULO KO SA INIDORO, MARAHIL AY NAHIGOP NA AKO NITO. NAGLABAS SIYA NG LATIGO. PINAGHAHAMPAS NIYA AKO, TAPOS HINUBARAN. TINALIAN NIYA ANG DALAWANG KAMAY KO. IBINUKAKA ANG DALAWANG HITA NA PARANG PALAKA. PINAGLARUAN NIYA ANG PAGKABABAE KO. PILIT NIYANG IPINASOK ANG BILOG NA PATPAT NA MAY LABIN-DALAWANG PULGADA ANG HABA. HALOS BUMAON SA PAGKABABAE KO ANG PATPAT NA ‘YON. HALOS MABALIW AKO SA SAKIT. TUMIRIK ANG MGA MATA KO SA HAPDI HANGGANG SA MAWALAN AKO NG MALAY…

ISANG LALAKE ANG DADAMPOT SA BABAENG NAKA-ITIM NA MISTULANG PATAY NA.

PAGKAGISING KO, NASA OSPITAL NA AKO. MUKHA NG DOKTOR ANG TUMAMBAD SA AKIN. NATAGPUAAN DAW AKO NG ISANG LALAKI SA ISANG CREEK. ITINAPON AKO NI KENT DOON DAHIL ANG BUONG AKALA NIYA’Y PATAY NA AKO. MARAMING REPORTERS ANG NAGDATINGAN AT NAG-USISA SA AKIN. PINAGKAGULUHAN AKO NG INTERNATIONAL MEDIA. IBINUNYAG KO ANG LAHAT NG KAHAYUPAN NI KENT! HINULI SIYA NG MAY KAPANGYARIHAN.

AT AKO… TINULUNGAN AKO NG EMBAHADA NATIN PARA AGAD MAKA-UWI NG PILIPINAS PAGKALABAS KO NG OSPITAL. PERO… BAGO AKO IDIS-CHARGE SA OSPITAL KINUMPIRMA MUNA NG DOKTOR NA… MAY AIDS DAW AKO (MALUMANAY),
(HINDI MAKAPANIWALA) MAY AIDS DAW AKO
(NAGYAYABANG) MAY AIDS DAW AKO,
(NAIIYAK) MAY AIDS DAW AKO,
(TAKOT) MAY AIDS DAW AKO,
(GALIT) MAY AIDS DAW AKO,
(PAHIYAW) MAY AIDS DAW AKO!

DITAS, SABIHIN MO, KASALANAN KO BA? KASALANAN KO BA ANG NANGYARI SA AKIN? ANG TANGING ALAM KO LANG NA KASALANAN KO AY NAGHANGAD AKO NG MAGANDANG KAPALARAN SA IBANG BANSA… SINUBUKANG PAKISAMAHAN ANG ISANG DAYUHANG NAGBABALAT-KAYONG TAO, NA YUN PALAY ISANG HALIMAW.

DITAS, MAY HIHILINGIN LANG AKO SA ‘YO… MARAHIL AY ITO NA ANG HULING KAHILINGAN KO SA ‘YO. SANA PAGBIGYAN MO AKO… GUSTO KO SANA PAG NAMATAY, NANDUN KA… SA LIBING KO. HUWAG MO AKONG PANDIDIRIHAN. HUWAG MONG DUDURAAN ANG SALAMIN NG KABAONG KO… DITAS, PLEASE!

SALAMAT DITAS! SALAMAT.

TATAWA

PA’NO, NAISTORBO KITA. SIGE. BASTA HIHINTAYIN KITA. PROMISE HA? BYE!!!

HAHALAKHAK MULI AT SA HULI AY HIHIYAW

TINIG NG LALAKI:
TAO PO! TAO PO!

TINIG NG MATANDANG BABAE:
SINO YAN?

TINIG NG LALAKI:
SA PLDT PO!
TINIG NG MATANDANG BABAE:
AY, TULOY KAYO… BA’T NGAYON LANG KAYO? ISANG LINGGO NANG SIRA ANG LINYA NG TELEPONO NAMIN.

TINIG NG LALAKI:
PASENSIYA NA PO MAM!

BABAE:
NAY! SINO YAN? SI KENT BA ‘YAN? NAY ‘WAG NIYO SIYANG PAPAPASUKIN SA BAHAY! NAY… AYOKO NANG SUMAMA SA KANYA SA AMERIKA! NAY ‘WAG NIYONG PAPAPASUKIN SI KENT SA BAHAY NATIN, TUMAWAG KAYO NG PULIS! NAY!!! SASAKTAN NIYA AKO! PAPATAYIN NIYA AKO!

– – wakas ng unang yugto – –

IKALAWANG YUGTO

Ang Entablado:
Isang maliit na bahay-kubo, naroon na ang lahat: sala, hapag-kainan at kusina. Naroon ang isang babae’ng umaawit ng “All by myself” habang nagluluto sa palayok gamit ang kalang di ihip.

Aida
Ang sarap ko talagang magluto. Tiyak, mapaparami na naman ang kain ni Cris… teka, bakit wala pa ang lalaking yon? Dapat ay kanina pa siya nakauwi. Traffic siguro sa Maynila? Lagi naman eh! (darating si Cris, lugmo, mapapa-upo sa kawayang sofa at ibabagsak sa lamesita ang mga dalang papeles.)
Nariyan ka na pala!
(hahalik sa asawa)
Amoy alak ka ah!

Cris
Nakainom ako ng konte.

Aida
Saan?
Cris
D’yan sa kamalig.

Aida
Sino naman ang kainuman mo?

Cris
Ako lang mag-isa.

Aida
‘di ka naman umiinom mag-isa! May probema ba?

Cris
Wala!

Aida
Sigurado ka? O sige, kung ano man yang problema mo, mamaya na natin yan pag-usapan. Kumain muna tayo. Tamang-tama, kakaluto ko lang ng paborito mo, pinangat na sapsap. Tara na sa mesa. Maghahain na ko.

Cris
Wala akong ganang kumain, Aida. Ikaw na lang.

Aida
Ano ba’ng nangyari sa lakad mo’t nagkaganyan ka. Kulang ba ang dala mong pang placement fee? Sabi ko naman sayo eh dumito ka nalang sa Pilipinas. Bakit ba naman kasi kailangan mo pang mag-abroad. ‘di naman ako humihiling ng mariwasang pamumuhay. Tama na sa akin yung gabi-gabi ay may huli kang isda na ipang-uulam natin at paninda sa talipapa. Mabubuhay na tayo non.

Cris
Walang problema sa placement fee ko, Aida. Sapat na sapat ang pinagbentahan ng bangka at pinag-sanlaan sa lupang minana ko sa ilaya.

Aida
Yun naman pala eh! Bakit ka nagkakaganyan? Cris, ano ba? kausapin mo naman ako!

Cris
Aida! Hindi ako makapaniwala! (di maintindihan ang mukha, parang umiiyak na tumatawa)

Aida
Makakaalis ka na? Ayos na ba ang passport mo at iba pang papeles? Kailan ang lipad mo?

Cris
Hindi na ‘ko makakapag-abroad. ‘di na kahit kailan man! (isinubsob ang ulo sa kanyang mga palad, habang ang siko ay nakatuon sa lamesita. Halos sabunutan ang sarili)

Aida
Ha! Bakit anong nangyari?
Cris
Bumagsak ako sa Medical! (napatayo si Aida at tumalikod kay Cris) Aida, patawarin mo ko! Ikaw lang ang babae sa buhay ko! Wala ng iba! Ang hindi ko alam ay kung bakit ako nagkaroon ng ganitong sakit, paano ko nakuha ‘to? Samantalang sayo lang ako nakikipagtlik. Sayo lang! Hindi kaya…

Aida
Oo, tama ka! Sa akin mo nga nakuha ang sakit na yan! (hahawakan siya ni Cris sa dalawang balikat at ihahaharap) patawarin mo ako!

Cris
Pa’no nangyari yon? Paano mo nagawa sa akin yon?

Aida
Natatakot akong iwanan mo ‘ko pag ipinagtapat ko sayo ang lahat.

Cris
Sabihin mo sa akin ang katotohanan! Gusto kong malaman ang lahat!

Aida
Dati akong bar girl sa Olongapo. ‘don ko nakuha ang sakit ko. (uupo sa mesa, nakatalikod kay Cris)

Cris
Ang sakit natin!

Aida
Nang umalis ang mga kano sa Gapo, nawalan ako ng trabaho. Umuwi na lang ako sa mga magulang ko sa Iloilo. Wala akong makuhang trabaho don kaya tulad mo nag-apply din ako ng trabaho sa ibang bansa. Dancer sa Japan. Isang buwan palang ako don, napadeport na ko, dahil nga…

Cris
Dahil nga puta ka! Sinungaling ka! Inulul mo ko!

Aida
Mahal kita, Cris!

Cris
Anong klaseng pagmamahal, ang isama mo ako sa hukay? Paano mo nagawa sa akin ‘to? Paano mo nagawang magsinungaling sa akin nang mahabang panahon? Pinalayas ka ng mga magulang mo nang suwayin mo silang magpakasal sa isang mayamang Don. Ulol! Kaya pala tinatanong kita kung sino ang nakauna sayo nang gabing una tayong magtalik, iniyakan mo lang ako at ‘ di ka na umimik! Ang galing mong mang-ulol! (hinawakan sa anit)

Aida
Nasasaktan ako, Cris!

Cris
Talagang sasaktan kita!

Aida
Hindi ko gustong idamay ka! Umalis ako sa amin dahil talagang itinakwil ako ng mga magulang ko, ng buong pamilya ko ng dahil sa sakit ko! Pati nga mga kaibigan ko nilayuan ako. Walang gustong makipag-usap sa ‘kin kahit mga kapatid ko. Sila pa nga ang nagpapalayas sa akin sa bahay dahil baka mahawaan ko raw sila. Ultimo baso ko at pinggan ay ibinubukod nila. Kung itrato nila ko ay para akong inuuod n a ‘di nila malapitan. Akala nila’y di ako nasasaktan sa ginagawa nila! Ipinagtapat ko kay itay na may AIDS ako dahil akala ko ay makakagaan ito sa loob ko! Nagkamali ako! Dahil ipinamalita ni itay ang karamdaman ko, pati sa kainuman niya. Anong klase siyang ama? Si inay naman, naaawa siya sa akin pero hanggang doon nalang yon, dahil sa tuwing nilalapitan niya ko ay inaaway siya ni itay… dapat daw sa tulad koy tikisin… kasalanan ko raw ang sinapit ko. ‘di nila alam na ang bawat perang ipinapadala ko sa kanila ang dahilan kung bakit ko nakuha ang sakit na ‘to. Kaya ako nag-puta ay dahil sa kanila… pinandidirihan nila ko. ‘di nila alam na hindi nakakahawa ang sakit ko sa pagdikit lang o pakikipag-usap sa akin, ‘ni sa paggamit ng mga kubyertos na nagamit ko. Dahil sa ginawa ni itay, ay binabstos ako ng mga tambay at mga lasenggo sa kanto, inuuyam-uyam. Ultimo mga batang naglalaro ay tinutukso-tukso ako! ‘di ko na nakayanan ang lahat ng yon! Kaya nagpakalayo-layo ako sa kanila.

Cris
Lumayo ka sa inyo at dito ka pumunta sa Quezon para dito ka manghawa? Bakit ‘ di ka nalang nagpa-quarantine?

Aida
Gusto kong mabuhay ng normal. Sabi ng Doktor, mahaba pa raw ang itatagal ko, mga sampung taon pa. Ayokong sayangin ang nalalabing araw ng buhay ko gusto kong mamuhay ng normal. Kaya lumayo ako sa lahat ng nakaaalam na may AIDS ako. Napadpad ako dito sa Quezon. Nagtrabahong serbedora sa isang restaurant. Wala na sa isip ko ang makipagrelasyon pa sa kahit na sinong lalaki. Pero nang makilala kita at niligawan mo ko ‘ di ko napigilan ang sarili ko na umibig sayo. Ilang beses kong kinitil ang nararamdaman ko para sayo dahil alam kong ‘ di maaari. Pero sa tuwing nag-iisa ako sa bahay na tinutuluyan ko ay nabibingi ako sa katahimikan, ‘di ko na kayang mabuhay na nag-iisa, kailangan ko ng kaibigan, ng makakasama. Kaya diba sabi ko sayo no’n magkaibigan nalang ang maging turingan natin sa isa’t isa. Pero ‘di mo ‘ko tinigilan sa kabila nang pag-iwas ko sayo. Kaya ‘ di ko narin napigilan ang sarili ko na tanggapin ang alok mong pagmamahal.

Cris
Ang sabihin mo ‘di mo na rin mapigilan ang kati mo!
Aida
Hindi totoo yan!

Cris
Nagpunta ka rito sa Quezon dahil naghahanap ka ng bagong biktima mo. Dahil galit ka sa mundo at ayaw mong solohin ang sakit mo. Gusto mong mandamay kaya naghanap ka ng karamay. At ako nga ang sinuwrete… ako nga ang tangang sinuwrete!

Aida
Umiiyak ako nang gabing ‘yon. Bago pa tayo magtalik. Dahil wala akong lakas ng laoob na ipagtapat sayo na… na may sakit ako… na ‘di tayo maaaring magtalik. Magkahalong ligaya at pagluha ang nadama ko ng gabing ‘yon. Luha, dahil idinamay kita!!!

Cris
Bakit pa kita nakilala? Bakit pa kita pinakasalan? Bakit’ di mo ko tinanggihan? (itutulak si Aida nang akmang yayakapin siya nito. Mapapasubsob si Aida sa sahig)
Walangya kang babae ka! papatayin kita! (‘di nakapagpigil si Cris binigwasan ito at sinundan ng tadyak at nang akmang sisikmuraan na niya si Aida ay…)

Aida
Wag Cris! Buntis ako! (sapo ang siknura)

Cris
Putang ina ka! Pati anak ko idinamay mo! Pati batang walang malay na pagkasilang niya ay may AIDS na rin siya. Kamumuhian niya ang kanyang sarili at itatakwil ang mga magulang na nagbigay sa kanya ng buhay… at ng karamdamang siya niya ring ikamamatay! Ipapalaglag mo ang batang ‘yan! Ayokong maranasan niya ang mararanasan natin!

Aida
Hindi! Bubuhayin ko siya! (hinawakan muli sa anit ni Cris)

Cris
Papatayin mo siya!

Aida
Cris, puwede pa tayong mamuhay ng normal. Maging isang pamilya . ‘wag mong ipagkait sa magiging anak mo ang karapatang mabuhay. Maawa ka sa kanya!

Cris
Pero ang buhay ko ipinagkait mo! Hindi ka naawa sakin.

Aida
Akala ko ba mahal mo ko? Sabi mo, kaya mong tanggapin kung sino man ako, Kung ano ako at ang nakaraan ko? Walang halaga sayo ang lahat kundi ang makasama mo ko habang buhay.

Cris
Habang buhay? Pina-ikli mo ang mahaba ko pa sanang buhay! Pati ng magiging anak ko! Hindi ko alam na ang ganda no pala ang papatay sa akin!
Ang puso ko pala ang loloko sa akin.
(itutumba ang plorera sa lamesita, kukunin ang lantang bulaklak)
Tulad ka ng lantang bulaklak na ‘ to, inilagay kita sa pusod ko, dinilig… pero nilason mo ang malinis na intensyon ko para sayo… ang walang bahid dungis kong pagmamahal. Pinutikan mo ang malinaw kong isipan . pinalabo mo ang pagtanaw ko sa buhay. Araw-araw mo kong pinapakain ng masasarap mong luto. Araw-araw mo kong nilalason sa tamis ng labi mo, Sa bango ng katawan mo at sa lalim ng pagmamahal mo. Para akong tumatabi kay kamatayan sa tuwing nakikipagniig ako sayo.

Aida
Sa tuwing sinisipingan mo ako, lumuluha ako sinisisi ko ang sarili ko. Gabi-gabi sinusubukan kong ipagtapat sayo ang lahat! Pero umuurong ang dila ko kapag uumpisahan ko na. Natatakot akong baka ‘ di mo matanggap ang lahat, alam kong pandidirihan mo rin ako kapag nalaman mo ‘ to. At baka mapatay mo ko!

Cris
Talagang papatayin kita! Wala ng halaga sakin ang buhay!

Aida
Hindi mo ba kayang tanggapin nalang ang lahat? Hindi mo ba ako mapapatawad?

Cris
Tanggapin? Tanggaping niloko mo ‘ko! Ginago mo ko, Pinatay mo ko sa sarap, sa galing mo sa kama.
(Lalapitan si Aida at kukubabawan niya ito)
Sige, paliligayahin kita ngayon, paligayahin mo rin ako dahil eto na ang huli natin!

Aida
Cris, ‘wag! Tama na!

Cris
Bakit ‘di ka ba nasasarapan? ‘ di ba ito ang gusto mo?
Kaya ka nga nagkasakit ng AIDS dahil isa kang puta! Bayaran! Gusto mo ba ng bayad muna? kawawa naman ang mga customer mo, habang inaabot nila ang bayad sayo ay parang binabayaran na rin nila ang kanilang Death Certificate. Tiyak, hawa sila sa makamandag mong sipit-sipitan. At pati mga misis nila mahahawaan nila… sandali, may condom sa kuwarto ah, yung pinapagamit mo saking pilit na ayaw ko naman. Oo nga naman, tanga ko! Bakit ‘ di ako nakinig sayo. Pero kung sinabi mo na sa akin na may AIDS ka ay baka ‘di lang condom ang ginamit ko, nagkapote pa ako… kaso, talagang galit ka sa mundo… gusto mong gumanti sa kamalasang inabot mo, kaya naghanap ka ng maidadamay at ako nga… Ako pang napili mo… para makiramay sa kamalasan mo!
(Ibabalya si Aida, tatayo at papasok sa kuwarto)

Aida
Kasalanan ko ba? Diyos ko, kasalanan ko po ba? Gusto ko lang mamuhay ng normal, gusto ko lang maranasang mahalin sa kabila ng lahat. Kung kasalanan ko mang idamay si Cris, at ang magiging anak namin… patawarin n’yo po ako. ‘di ko sinasadya!

Cris
(may bitbit na paltik. bukas ang zipper ng panatalon at walang t-shirt)
ready ka na? Suot ko na ang kapote.

Tila hayok na gagahasain ang asawa

Aida
‘wag Cris! ‘wag parang awa mo na!

Cris
‘di ba eto ang gusto mo? Diba? Sige na pumayag ka na. Eto na ang huli nating pagtatalik. Pagkatapos kitang patayin sa sarap ay eto namang paltik ko ang tatapos sayo!
Aida
Cris, ‘wag! Huwag mong gagawin ‘yan! Nais ko pang mabuhay para sayo at sa magiging anak natin. Bubuhayin ko ang bata. Hayaan mo kong isilang siya. ‘wag mong ipagkait sa kanya ang pagkakataon na masilayan ang pagsikat at paglubog ng araw. Ang arugain at mahalin ng kanyang mga magulang. Ang iduyan ng isang ina at ipaghele ng isang ama sa kanyang mga bisig. Nais kong maranasan kung paano maging isang ganap na ina, bago man lang ako mawala sa mundong ito. Alam kong minahal mo ko Cris, nararamdaman ko ‘yon, sayo ko lang naranasan ang tunay na pag-ibig at ikaw lang ang minahal ko sa lahat ng dumaang lalaki sa buhay ko… alam kong binabawi mo na ang lahat ng pagmamahal na minsa’y iniukol mo para sa akin. Pagkamuhi at suklam na ang nariyan sa puso mo para sa akin… kasalanan ko! Pero nakikiusap ako sayo… hayaan mo kong maisilang ang anak natin. Sa kanya mo ibaling ang pamamahal na minsa’y sa akin mo ibinigay.

Cris
Mahal pa rin kita Aida! Mahal na mahal! At sabihin mo sa magiging anak natin na mahal ko rin siya. Kaya lang duwag ako. Takot ako sa sasabihin ng ibang tao kapag nalaman nila na may AIDS ako, ang asawa ko at ang magiging anak ko! Hindi katulad mo, matapang ka. Hindi ko kayang hintayin ang araw na mawawala ka na sa akin. At lalong ‘ di ko kayang tignan ang bagong silang kong sanggol na nakatakda na rin ang kamatayan. At ako, ayoking pahabain pa ang paghihirap ng aking katawan at isipan… mas nanaisin ko pang ngayon na… (dadamputiin ang paltik sa sahig)

Aida
Cris ‘wag! Kung tunay mo kong mahal hindi mo gagawin yan! At kung mahal mo ang anak mo lalaban ka dahil kailangan ka niya!

Cris
‘di n’ya kailangan ng amang katulad ko! ‘di ako marunong bumangon sa isang matinding dagok. Mahina ako, walang bayag. Ikaw ang kailangan niya… dahil hindi ka marunong sumuko.

Aida
Cris, hindi pa katapusan ng mundo! Lahat ng tao ay dinadapuan ng sakit.

Cris
Ngunit iba ang sakit natin. Wala ng lunas! Naiintindihan mo ba yon! At ang magiging baby natin… hindi siya kayang gamutin nang aspilet.

Aida
Cris, may lunas pa sa karamdaman natin … ang pagtanggap

Cris
Isa lang ang alam kong lunas! Patawad Aida! ‘di ko kayang lumaban. Wala akong lakas ng loob. Duwag ako! Paalam mahal!

(ipinutok ni Cris ang paltik sa kanyang bunganga, babagsak sa sahig. Lalapitan ni Aida ang duguan at walang buhay na na katawan ni Cris)

Aida
Crissss!!!! Patawad Cris, patawarin mo ako!!!!

– – wakas ng ikalawang yugto – –

IKATLONG YUGTO

ANG ENTABLADO
LIVING ROOM, SA KALIWANG BAHAGI NG ENTABLADO AY MAY ISANG ROUND TABLE AT DALAWANG HIGH CHAIR NA YARI SA FIBER GLASS (TIPONG DESIGN FROM DIMENSION), MAY MODERNONG ARANYA NA MAGBIBIGAY NG SHADE OF SOFT RED LIGHT SA TAONG UUPO SA ROUND TABLE. MODERNO ANG CONCEPT NG INTERIOR DESIGN NG LIVING ROOM, MINIMAL ANG FURNITURE, MAY ISANG MALAKING ABSTRACT PAINTING SA WALL, MAY DALAWANG RACK SA UPPER RIGHT AND LEFT STAGE NA MAY KUNG ANO-ANO: BOOKS, VASE, PICTURE FRAMES, PIGURIN ETC. SA KANANG BAHAGI NG ENTABLADO AY MAY COUCH NA PUNO NG THROW PILLOWS. NASA UPPER LEFT STAGE ANG MAIN DOOR AT UPPER RIGHT STAGE NAMAN ANG PINTO NG KUWARTO. NAKATAYO SA KANANG BAHAGI NG ENTABLADO SI SHANE, SUOT ANG BATHROBE NA KULAY ROSAS. NAMIMINTANA, KAULAYAW ANG ISANG SHOT GLASS NG TEKILA. SUNOD-SUNOD ANG BUGA NG USOK NG SIGARILYO, MUKHANG MALALIM ANG INIISIP.

SHANE
PAKANTA. ANG MGA BAKLA,
ANG NAGPASIMULA,
NG KABALBALAN,
DITO SA MAYNILA!
PASINGHAL. ‘YAN ANG LAGING KINAKANTA NG MGA KALALAKIHAN PAG NAKAKITA SILA NG BAKLA SA KALYE.

MGA EPOKRITO KAYONG MGA LALAKI! ANG LAKAS N’YO KAMING ALASKAHIN, PINAKIKINABANGAN N’YO NAMAN KAMI. WALANG PINAGKA-IBA SA MGA OMBRE D’YAN SA BAKALAN, NAGHIHINTAY NG CARU NG ISANG DONYANG BAKLA NA BIBILI SA SERBISYO NILA. PAG MAY PUMARADA NA AT NAGBUKAS NG SALAMIN, IBUBUKOL NG MGA BAKAL BOYS ANG KANILANG MGA NOTRILLA. KUNG SINO ANG PINAKA DAKOTA, YUN ANG PI-PIK-APIN. BUBUSUGIN MUNA BAGO GATASAN.
LALAPIT SA MESA AT MULING MAGSASALIN NG ALAK.
PAGKATAPOS NG EKSENA, PAGNADILIGAN NA ANG DONYA, BAYARAN NA.

UUPO SA COUCH

ILANG LALAKI NA RIN ANG NAGDAAN SA BUHAY KO BAGO SI ERICKSON?

TATAWA

‘DI KO NA MABILANG. IBA-IBA ANG PRESYO, IBA-IBA ANG HABA PERO IISA LANG NAMAN ANG INILALABAS.
TATAYO, PUPUNTA SA RACK AT PAGMAMASDAN ANG MGA PICTURE FRAMES NA NAKA DISPLAY ROON.

SI ERICKSON, IBA SIYA. HINDI SIYA ANG UNANG LALAKI NA ITINIRA KO SA BAHAY NA ‘TO PERO SIGURADO AKO NA SIYA NA ANG HULI.

MULING MAMIMINTANA, MAPAPANSIN NIYANG GABI NA, BUBUKSAN ANG ARANYA NA MAGPAPALIGO NG SOFT RED LIGHT SA ROUND TABLE. LALAPIT SA MESA, UUPO AT MULING MAGSASALIN NG ALAK.

GABI NO’N, NANG MAPAGKAMALAN KO SIYANG BAKAL BOY. DOON KASI SIYA NATUTULOG SA PUWESTUHAN. SA BAKALAN, YUN ANG TAWAG SA MGA ESTRIBONG TINATAMBAYAN NG MGA CALLBOY.

NAGIISA SIYA. GINISNG KO SIYA NG BUSINA NG SASAKYAN KO. INOSENTENG-INOSENTE ANG MUKHA NIYA. BAGAMAT MARUNGIS AY ‘DI MO MAIKAKAILA ANG KAGUWAPUHAN. NIYAYA KO SIYANG SUMAKAY SA KOCHE KO, AT TINANONG NIYA KO KUNG BAKIT DAW. SABI KO, “ALAM MO NA ‘YON!”

SUMAKAY DIN NAMAN SIYA. DUMERECHO KAMI SA ISANG RESTAURANT. GUTOM NA GUTOM SIYA KAYA HINAYAAN KO LANG SIYANG UMORDER NG KAHIT ANONG GUSTO NIYA. AT NANG BUSOG NA SIYA AY NAGPASALAMAT BA NAMAN! TUMAWA AKO, AT SABI KO SA KANYA; “BABAYARAN MONG LAHAT ‘YAN MAMAYA! SABAY GAPANG NG AKING KAMAY SA ILALIM NG MESA PATUNGO SA MGA HITA NIYA. NAIINTINDIHAN NIYA ANG IBIG KONG IPAHIWATIG.

PAGKATAPOS NAMING KUMAIN AY ‘DI KO SIYA DINALA SA MOTEL KUNDI DITO SA BAHAY KO. EWAN KO KUNG BAKIT? MARAHIL AY NAAWA AKO SA KANYA NG IKUWENTO NIYA SA AKIN ANG MASALIMUOT NIYANG BUHAY HABANG NASA SASAKYAN KAMI. SIMULA NOON AY DITO KO NA SIYA PINATIRA SA BAHAY. TUMIGIL NA AKO SA PAMIMIK-AP DAHIL NAG-TAKE HOME NA AKO.
MAKARIRINIG NG BUSINA NG SASAKYAN.

AYAN NA SIYA!

ERICKSON
SHANE, HINDI KA BA UMALIS? AKALA KO BA MAY GIMIK KAYO NG MGA FRIENDS MO?

WALANG IMIK SI SHANE. PAPASOK SA KUWARTO SI ERICKSON PARA MAGPALIT NG DAMIT.
ERICKSON
NAKAKAPAGOD SA SCHOOL, DAMING PROJECTS NA PINAPAGAWA SA AMIN. WALA PA NGA AKONG NAUUMPISAHAN EH? SHANE, NAKITA MO BA YUNG SANDO KONG RED? SHANE? A ETO PALA?

LALABAS MULA SA KUWARTO NAKA BOXER SHORTS AT SANDONG RED.

ERICKSON
KANINA PA AKO SALITA NG SALITA PARANG DI MO AKO NARIRINIG.
O, UMIINOM KA NAMAN.

LALAPIT KAY SHANE PARA LAMBINGIN ITO. HAHALIKAN ITO SA BATOK HANGGANG SA PUPUGIN ANG LABI NG KA-LIVE-IN. MAGPUPUMIGLAS AT ITUTULAK ITO NI SHANE

ERICKSON
BAKIT? HINDI NA BA ‘KO MASARAP HUMALIK? ALAK NA NAMAN YANG INAATUPAG MO, DIBA SABI KO SAYO TANTANAN MO NA ‘YAN.

SHANE
WALA KANG PAKIALAM KUNG ANO MAN ANG GUSTO KONG GAWIN.

ERICKSON
MAY PROBLEMA BA?

SHANE
MAGHIWALAY NA TAYO.

ERICKSON
MAY KAPALIT NA BA AKO? MAS GUAPO BA? MAS MAGALING SA KAMA O MAS MALAKI? NAPAPAIKOT KA BA NIYA SA ERE?

SHANE
TAMA NA! WALA! WALANG IBANG INVOLVE DITO. GUSTO KO LANG TAPUSIN NA NATIN ANG KABALIWANG ‘TO.

ERICKSON
SAWA KA NA BA SA ‘KIN?
YAYAKAPIN MULA SA LIKURAN SI SHANE AT MULING MAGLALAMBING.

SHANE
EWAN KO.

ERICKSON
GANO’N NALANG BANG KADALI ’YON? PAGKATAPOS NANG MAHIGIT APAT NA TAONG PAGSASAMA NATIN, TATAPUSIN NALANG NATIN NG BASTA-BASTA, NG WALANG KADAHI-DAHILAN!

SHANE
TAMA KA. MAY DAHILAN.

ERICKSON
PUWEDE KO BANG MALAMAN KUNG BAKIT GUSTO MO NANG MAKIPAGHIWALAY SA AKIN?

SHANE
MAS OKEY KUNG ‘WAG MO NALANG ALAMIN.

ERICKSON
BAKIT HINDI? THAT’S UNFAIR! TELL ME KUNG BAKIT DAPAT TAYONG MAGHIWLAY.

SHANE
HINDI KO ALAM! WILL YOU JUST LEAVE ME ALONE! PLEASE, I NEED TO BE ALONE!

ERICKSON
ALAM KO NAMANG NAGSASAWA KA NA SA PAGPAPA-ARAL SA ‘KIN. PERO SINUSUKLIAN KO NAMAN ‘ YON NG PAGMAMAHAL KO AH! SIMULA NANG MAGING TAYO ‘DI NA ‘KO NAKIPAGRELASYON SA KAHIT NA SINONG BABAE DAHIL AYOKONG ISIPIN MO NA GINAGAMIT LANG KITA, PINEPERAHAN.

SHANE
ALAM KO YON.

ERICKSON:
PERO BAKIT KAILANGANG DUMATING PA TAYO SA HIWALAYAN? ISANG TAON NALANG MAGTATAPOS NA AKO! MAGIGING ISANG ENGINEER NA ‘KO. ENGINEER ERICKSON MACARAIG!
HAHAPITIN SA BALIKAT SI SHANE.
SAYO KO IAALAY ANG TAGUMPAY KO.

SHANE
‘WAG KANG MAG-ALALA, ‘DI KO PUPUTULIN ANG SUSTENTO MO PAG HIWALAY NA TAYO.

ERICKSON
HINDI ‘YON ANG KAILANGAN KO!

SHANE
‘WAG KANG IPOKRITO!
ERICKSON
SHANE, PARA ANO PA ANG TAGUMPAY KO KUNG WALA NAMAN SA PILING KO ANG TAONG TUMULONG SA ‘KIN UPANG MAKAMIT KO ‘YON.

SHANE
INSTRUMENTO LANG AKO! AT ALALAHANIN MONG PINAKINABANGAN DIN KITA. GINAMIT LANG KITA!

ERICKSON
HINDI AKO NANINIWALA! SINASABI MO LANG ‘YAN PARA PASAKITAN AKO.

SHANE
KAILANGAN MONG MANIWALA DAHIL YON ANG TOTOO!

ERICKSON
MINAHAL MO KO! AT YON ANG ALAM KONG TOTOO!

SHANE
KATAWAN MO LANG ANG MINAHAL KO, AT IKAW, PERA KO LANG NAMAN ANG HABOL MO DIBA? NAGGAGAMITAN LANG TAYO!

ERICKSON
SABIHIN MONG HINDI TOTOO ‘YAN. BAWIIN MO ANG SINABI MO!

SHANE
NARINIG MO NA! ‘DI KO NA PUWEDENG BAWIIN ANG NASABI KO.

ERICKSON
ALAM MONG HINDI TOTOO ‘YAN. HINDI AKO NANINIWALA. MINAHAL MO KO, NARAMDAMAN KO ‘YON.
UUPO SA COUCH SI ERICKSON, PARANG BATANG HUMIHIKBI
PAGMAMAHAL NA HINDI IBINIGAY SA ‘KIN NANG KAHIT NA MGA MAGULANG KO. IKAW LANG ANG NAGPADAMA SA AKIN NON. GUSTO KONG MALAMAN MO NA NATUTUNAN NA RIN KITANG MAHALIN.

SHANE
SINUNGALING!

ERICKSON
MANIWALA KA, MAHAL KITA!
SHANE
HINDI AKO KARAPAT-DAPAT SA PAGMAMAHAL MO!

ERICKSON
IKAW ANG NAGBIGAY KAHULUGAN SA PATAPON KO NG BUHAY. NANG MAGLAYAS AKO AT MAPARIWARA IKAW ANG PUMULOT SA ‘KIN. NILAGYAN MO NG LAMAN ANG KUMUKULO KONG SIKMURA, PINALITAN ANG BUTAS-BUTAS KONG DAMIT. TUNULUNGAN MO KONG MAGPATULOY SA ‘KING PAG-AARAL

SHANE
GUSTO MO LANG TUMANAW NG UTANG NA LOOB KAYA MO SINASABI ‘YAN. WALA KANG DAPAT ALALAHANIN.

ERICKSON
HIGIT PA SA PAGTANAW NG UTANG NA LOOB. KAHIT SA MGA PANGARAP KO KASAMA KA. PAGKAGRADWEYT KO, AKO NAMAN AN MAGTRA-TRABAHO PARA SA TING DALAWA. GUSTO KONG SUKLIAN ANG LAHAT NG GINAWA MO SA ‘KING KABUTIHAN, ANG LAHAT NG PAGMAMAHAL NA INI-UKOL MO PARA SA ‘KIN.

SHANE
HINDI KO KAILANGAN ‘YON, KAHIT KAILAN AY HINDI AKO NAGHINTAY NG KAPALIT SA LAHAT NG GINAWA KO SAYO.

ERICKSON
BAKIT MO KO GINAGANITO? NAHIHIRAPAN NA KO..

SHANE
AKALA MO BA IKAW LANG! ERICKSON, MAS MAHIRAP ITO PARA SA AKIN.

ERICKSON
ANO BA TALAGANG GUMUGULO SA ISIPAN MO? PLEASE, LET ME KNOW.

SHANE
YOU WANT TO KNOW EVERYTHING? WELL HAVE A SEAT AND DRINK WITH ME.

ERICKSON
DIBA SABI MO AYAW MO ‘KONG MAKIKITANG UMIINOM NG ALAK?

SHANE
PWES, KAILANGAN MO NGAYONG UMINOM.

IAABOT ANG SHOT GLASS KAY ERICKSON.

ERICKSON
WHAT FOR?

SHANE
PARA MAKARAMDAM KA NG KONTING PAGKAMANHID.

ERICKSON
KAILANGAN BA TALAGA?

SHANE
GO ON DRINK IT.

ERICKSON
OK, I’LL DRINK IT, BUT FIRST LET ME LICK THE SALT IN YOUR NECK AND AFTER DRINKING THIS LET ME SIP THE SWEETNESS OF YOUR LIPS.

SHANE
ERICKSON, HINDI ITO ORAS NG BIRUAAN.

ERICKSON
SABI KO NGA
LALAGUKIN ANG TEKILA

ERICKSON
ISA PA NGA.

BIBIGYAN ULI ITO NI SHANE. MAKIKITA SA MUKHA NI ERICKSON NA DI TALAGA ITO SANAY NA UMINOM NG ALAK. TATAWA NG TATAWA SI SHANE.

ERICKSON
MAY NAKAKATAWA BA?

SHANE
NAMUMULA KA NA KASI, NAKAKADALAWANG SHOTS KA PALANG.

TATAWA NG TATAWA SI SHANE HANGGANG SA SUMAKIT ANG TIYAN. HANGGANG ANG PAGTAWA AY MAPALITAN NG PAG-IYAK. MABABAHALA SI ERICKSON.

ERICKSON
WILL YOU STOP THAT! PLEASE TELL ME WHAT’S BOTHERING YOU.

SHANE
I CAN’T.

ERICKSON
PINAGBIGYAN NA KITA SA HILING MO.
THIS TIME SI ERICKSON NA ANG MAGSASALIN NG ALAK PARA SA SARILI.

I THINK READY NA AKO SA KUNG ANO MAN ANG SASABIHIN MO.

SHANE
WILL YOU STILL BE THE SAME AFTER TONIGHT?

LALAPITAN NI ERICKSON SI SHANE. IAANGAT ANG NAKATUNGONG ULO.

ERICKSON
I WILL ALWAYS BE LIKE THIS AND IT WOULD NEVER CHANGE.

HAHAGKAN NI ERICKSON SI SHANE SA LABI NGUNIT IIWASAN ITO NG HULI.

SHANE
I DON’T DESERVE A KISS FROM YOU.

ERICKSON
WHY?

SHANE
SINIRA KO ANG BUHAY MO.

ERICKSON
I DON’T UNDERSTAND. YOU KNOW IT, IKAW ANG NAGBIGAY DIREKSYON SA BUHAY KO.

SHANE
SINIRA KO ANG KINABUKASAN MO, ANG MGA PANGARAP MO.

ERICKSON
I DON’T NOW WHAT’S GOIN’ ON! ANO BA TALAGANG IBIG MONG SABIHIN?

SHANE
TIGNAN MO KO ERICKSON! SA TUWING HINAHALIKAN MO KO, SA TUWING NAGSISIPING TAYO ‘DI KA BA NANDIDIRI SA ‘KIN?

ERICKSON
BAKIT KO NAMAN MAGAGAWANG MANDIRI SAYO?

SHANE
ERICKSON, HINDI KO GINUSTONG MANGYARI ‘TO.

ERICKSON
MANGYARI ANG ALIN?

SHANE
ERICKSON, PATAWARIN MO KO!

ERICKSON
SAAN?

SHANE
PAANO KO IPAGTATAPAT SAYO. HINDI KO ALAM KUNG PAANO KO UUMPISAHAN.

ERICKSON
KUNG ANO MAN ‘YON, MANIWALA KA, HANDA AKONG TANGGAPIN.

MAGSISINDI NG SIGARILYO SI SHANE, TATAYO.

SHANE
NAGPA AIDS TEST AKO… NAKUHA KO NA ANG RESULTA… POSSITIVE. MAHIGIT LIMANG TAON NA KONG HIV INFECTED.

MAPAPASANDAL SI ERICKSON SA DING-DING. MATUTULALA, SASAPUHIN ANG TUHOD AT DAHAN-DAHANG MAPAPA-UPO NA PARANG NAUUPOS NA KANDILA. ‘DI IIMIK KAHIT ISANG SALITA.

SHANE
NGAYON MO SABIHING ‘ DI KA NANDIDIRI SA AKIN! MAGSALITA KA, MURAHIN MO KO, KASUKLAMAN MO AKO! SAKTAN MO KO!

PAPASOK SA KUWARTO SI ERICKSON.

SHANE
ERICKSON…
PUTANG INA KAYONG MGA LALAKI KAYO! PAGKATAPOS N’YO KONG PAKINABANGAN ETO PA ANG MAPAPALA KO SA INYO. ANG MAGKAROON NG SAKIT NA ‘TO. BAKIT PATI SI ERICKSON KAILANGAN MADAMAY? SANA AKO NALANG. BATA PA SIYA, MARAMI PANG PANGARAP.
LALABAS SI ERICKSON MULA SA KUWARTO
ERICKSON… HINDI KO SINASADYA.
ILALALPAT NI ERICKSON ANG DALIRI SA MGA LABI NI SHANE UPANG ‘WAG NANG IPAGPATULOY PA NITO ANG SASABIHIN.

ERICKSON
TAMA NA.

SHANE
PATAWARIN MO AKO.

ERICKSON
WALA KANG KASALANAN. HINDI MO GINUSTO YON, WALANG MAY GUSTO NITO. KAILANGAN NALANG NATING TANGGAPIN NA TAYO ANG MASUWERTENG DINAPUAAN NG SAKIT NA ITO, DAHIL HINDI TAYO NAGING MAINGAT. WALA KANG SINIRA SA BUHAY KO, IKAW ANG BUMUOO NITO, TINURUAN MO AKONG BUMUO NG MGA PANGARAP. BINIGYANG HALAGA ANG PATAPON KO NG BUHAY.

SHANE
TINURUAN NGA KITANG MANGARAP PERO AKO RIN ANG SUMIRA NG LAHAT NG ‘YON.

ERICKSON
‘WAG MONG SISIHIN ANG SARILI MO.

SHANE
SALAMAT AT PINATAWAD MO AKO.

ERICKSON
AT GUSTO KO PATAWARIN MO RIN ANG SARILI MO.

SHANE
OO, PARA SAYO.
ERICKSON
SIYA NGA PALA, MUNTIK KO NANG MAKALIMUTAN. HAPPY ANNIVERSARY!

MAY IAABOT NA REGALO KAY SHANE. BUBUKSAN ITO NI SHANE MAKIKITA ANG LARAWAN NILANG DALAWA NA PINA CHARCOAL SA FRAME.
MALULUHA SI SHANE.

ERICKSON
DON’T YOU REMEMBER? ITO YUNG ARAW NA UNA TAYONG NAGKITA. NAPAGKAMALAN MO AKONG CALLBOY, DINALA SA RESTAURANT PINAKAIN NG MADAMI AT INUWI MO DITO SA BAHAY MO. IT’S BEEN FIVE YEARS. I WANT YOU TO KNOW NA LAHAT NG GINAWA MO SA AKIN AY DI KO NALIMUTAN.

MAGYAYAKAPAN

SHANE
NEXT WEEK MAGPAPACONFINE NA AKO. MALAPIT NA RAW AKO SA FULL BLOWN STAGE SABI NG DOKTOR. ARAW-ARAW NARARAMDAMAN KO ANG UNTI-UNTING PAGHINA NG KATAWAN KO. ISINALIN KO NA SA PANGALAN MO ANG LAHAT NG PROPERTY KO. GAMITIN MO YON. MATAGAL PA ANG ILALAGI MO DITO SA MUNDO. BY THEN SIGURO MAY CURE NA SA SAKIT NATIN.
ERICKSON
HINDI MO NA KAILANGAN MAGPACONFINE. DITO KA NALANG SA BAHAY. AKO ANG MAG-AALAGA SAYO. GUSTO KONG PAGLINGKURAN KA SA NALALABI MO PANG BUHAY. GUSTO KONG SUKLIAN ANG LAHAT NG PAG-AARUGA NA IBINIGAY MO SA ‘KIN.
SHANE
PERO PAANO ANG PAG-AARAL MO? GUSTO KONG TAPUSIN MO ITO. GUSTO KONG MAKITA KA SA ENTABLADO HABANG INAABOT MO ANG ‘YONG DIPLOMA.

ERICKSON
‘WAG KANG MAG-ALALA MAKIKITA MO AKONG SUOT KO ANG ITIM NA TOGA. SAYO KO IAALAY ANG DIPLOMA KO.

SHANE
SA BUROL KO, AYOKONG PAGLALAMAYAN AKO. ‘WAG MONG IPAPASILIP ANG SALAMIN NG KABAONG KO. IKAW LANG ANG MAY KARAPATANG MAKAKITA SA AKIN. IPA-KREMEYT MO AKO AT GAWIN MONG PATABA ANG ABO KO SA HARDIN PARA SA TUWING MAMUMULAKLAK ANG MGA ROSAS IISIPIN MO AKO ‘YON. BASTA LAGI MO AKONG DIDILIGAN HA.

MAGTATAWANAN.

SHANE
PAANO NGA PALA KAPAG WALA NA AKO, SINO NA’NG MAG-AALAGA SAYO?

ERICKSON
‘WAG MONG ISIPIN ‘YON BUHAY KA PA. ANG MAHALAGA AY KUNG PAANO NATIN PASISIGLAHIN ANG NATITIRA PA NATING TAON, ARAW AT ORAS DITO SA MUNDO.

SHANE
PAGKA GRADWEYT MO MAG BORACAY ESCAPADES TAYO.

ERICKSON
AYOKO DON, MASAYADONG MATAO.

SHANE
SAAN MO GUSTO.

ERICKSON
SA CAMUIGIN, PARA ATING DALAWA LANG ANG EKSENA.

SHANE
OO NGA NO. SIGE FEEL KO ‘DON.
IPUPULUPOT ANG MGA KAMAY SA LEEG NI ERICKSON, HAHAGKAN NAMAN NI ERICKSON SA LABI SI SHANE.

ERICKSON
KAIN TAYO SA LABAS TAPOS NOOD TAYO NG SINE. L F S. MISS NA MISS NA KITA EH.
MAGHAHARUTAN
MAY KAPALIT NA BA AKO? NAPAPAIKOT KA BA NIYA SA ERE NA PARANG HELICOPTER?

SHANE
WALA. ALAM MO NAMANG IKAW LANG ANG NAG-IISANG PILOTO KO.

ERICKSON
SIGURADO KA?

SHANE
OO SABI E. BAKA ‘DI PA TAYO N’YAN UMABOT SA LAST FULL SHOW. TEKA MAGSA-SHOWER MUNA AKO.

ERICKSON
SABAY NA TAYO.

SHANE
TARA NA!

SABAY NA PAPASOK SA BANYO. MARIRINIG ANG PAGBUKAS NG SHOWER AT HARUTAN NG DALAWA. PAPASOK ANG HIMIG NG MUSIKANG “FLY ME TO THE MOON.”

MAGDIDILIM.

WAKAS

copyright 1999

Sa magnanais na isa-entablado ang trilohiyang ito maaari po lamang na makipag-ugnayan sa may akda sa pamamagitan ng email sa taatamata_demesa@yahoo.com o personal na makipag talastasan Kay Harold C. de Mesa sa numero 09156919334.

Maraming salamat po!